May mga bloke pa rin ng shabu ang nakukuha ng mga mangingisda sa karagatan ng Ilocos na umabot na sa kabuuang bilang na 80. Samantala, sinagip naman ang mga pulis at coast guard na nag-i-inspeksyon sa lugar na may nakitang mga shabu matapos mabutas ang kanilang bangka sa dagat.

Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing 20 bloke ng shabu ang nakita ng mga mangingisda sa karagatang bahagi ng Magsingal, Ilocos Sur.

Ito na ang ika-apat na pagkakataon na may nakitang mga bloke ng shabu sa iba't ibang parte ng karagatan sa bahagi ng San Juan, Caoayan, at Magsingal.

"Pare-parehas ang packaging nila [ng] lahat ng narekober,” ayon kay Police Lieutenant Colonel David Dulnuan, Deputy Provincial Director for Operation, Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO).

Ayon sa mga mangingisda, hindi nila alam na mga ilegal na droga ang kanilang nakukuha sa laot.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung saan nanggaling ang mga droga, at kung sinadya itong ihulog sa dagat.

Bumuo na ng Task Group for Coastal and Airport Security ang ISPPO kasunod ng pagkakadiskubre ng mga ilegal na droga sa dagat.

Habang nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang mga tauhan ng pulisya, coast guard, at iba pang ahensiya sa isang lugar kung saan may nakitang mga bloke ng shabu, nabutas ang kanilang bangka sa bahagi ng Barangay Villamar, Caoayan, Ilocos Sur nitong Huwebes.

Ligtas na nasagip ng mga mangingisda ang nasa 20 tauhan ng gobyerno.

"Noong naabutan namin sila, nasa ibabaw na sila ng bangka, ‘yung iba nakahawak sa tali ng bangka," ayon kay chairman Albert Quilenderino, Sr., ng Barangay Villamar.

Sa kabila ng nangyari, magpapatuloy ang gagawing  water search at monitoring ng mga awtoridad. Kasabay nito, humihiling si Dulnuan sa pamahalaan na madagdagan ang kanilang gamit para sa pagbabantay at paghahanap.

"Humihingi tayo sa national government natin na may capability, o may mga water asset, o air asset, para kasama na sa pag-search sa shoreline ng Ilocos Sur," ani Dulnuan.-- FRJ, GMA Integrated News