Pumanaw matapos makaranas ng stroke ang isang vlogger sa Iligan City na kabilang ang "mukbang" o paglantak sa pagkain sa kaniyang mga content. Hindi naman maiwasan ng kaniyang kapatid na maglabas ng sama ng loob dahil sa mga negatibong komento at mga maling impormasyon tungkol sa sinapit ng kaniyang kapatid.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing Hunyo 14 nang inatake at isugod sa ospital ang vlogger na si Dongz Apatan.

Nangyari umano ang atake matapos magmukbang ng piniritong manok si Dongz. Pero kinabukasan, Hunyo 15, binawian na siya ng buhay.

Masama ang loob ng kapatid ni Dongz na si Leah, dahil may ginagawang katatawanan ang pagpanaw ng kaniyang kapatid at may naglalabasan pang mga maling impormasyon.

Ayon kay Leah, may highblood ang kaniyang kuya Dongz pero hindi naman daw talaga ito malakas kumain, at hindi rin puro matatabang pagkain ang ginagawa niyang content.

"Nasasaktan talaga kami na ginagawa siyang katatawan ng mga tao na parang walang respeto dahil sa content na kinukuha na hindi tama ang info," ani Leah. "Kasi ang daming comment na si Manoy lang daw kasi deserve daw mamatay dahil gahaman sa pagkain. Pero content lang naman 'yan."

Giit ni Leah, hindi gahaman ang kaniyang kuya at marami umano itong natulungan.

Umaapela ng tulong si Leah para sa pag-aaral ng tatlong anak na naulila ni Dongz.

Ayon sa cardiologist na si Dr. Tony Leachon, batay sa mga doktor na nakakita sa emergency room, nagkaroon si DOngz ng blood clots sa brain.

"Ibig sabihin, tumaas ang blood pressure niya, pumutok yung ugat sa brain niya. So, ang kinamatay niya, eh, hemorrhagic stroke," ani Leachon.

Ayon kay Leachon, posibleng may kinalaman ang kinakain at kung gaano ito kadalas o karami na kinakain sa nangyari, na maaari ding sa iba.

"Maalat ang kinakain, pangalawa, siyempre, ang pagkain niyan, eh, karne. Everyday mo gagawin 'yan. so, magbabara yung ugat mo rin sa brain. So stroke pa rin, eh, kamamatay mo 'yan. The other one, puwede ka rin magka-heart attack," babala niya.

Paalala niya, lahat ng sobra ay masama sa katawan kaya dapat maging maingat sa kinakain at mas mabuti kainin ang isda at manok kaysa red meat o karne.

"Kung kakain, dapat kalahati lang ng plato ang may kaning kasing laki ng kamao at maliit na serving ng karne," payo niya. "Almost half of the plate, ay gulay. tapos prutas." --FRJ, GMA Integrated News