Arestado ang isang lalaki na nanghablot ng cellphone at isinangla sa Cebu City. Ang suspek, aminadong lulong at may malaking talo sa online gambling.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing hinablot ng suspek ang cellphone mula sa isang babae sa Barangay Lorega San Miguel.

Nagpambuno pa ang dalawa pero nakuha pa rin ng suspek ang cellphone ng babae na nagkakahalaga ng P70,000.

Nagsumbong agad ang biktima sa pulisya kaya nadakip ang lalaki kinalaunan.

Umamin ang suspek sa krimen, na sinabing ninakaw at isinangla niya ang cellphone matapos makaranas ng malaking talo sa online gambling.

Kahit naisauli na sa may-ari ang cellphone, desidido pa rin siyang ituloy ang reklamo laban sa suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News