Inalis na ng Kuwaiti government ang ban sa pagkuha ng overseas Filipino workers (OFWs) matapos ang isang taon bunga ng sigalot kasunod ng brutal na pagpatay sa Pinay domestic helper na si Jullebee Ranara noong nakaraang taon.

Ngunit sa kabila ng naturang hakbang ng Kuwait, inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi pa rin nila papayagan na magpadala ng first-time domestic helper sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.

“Nagpapasyahan sa pagpupulong na 'yon, una, buksan muli ang hiring ng first-time skilled workers sa Kuwait. Pangalawa, sa domestic workers, papayagan yung mga may work experience. Hindi natin papayagan yung first-timers sa abroad,” paliwanag ni DMW Secretary Hans Cacdac sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes,  batay sa resulta ng official trip sa Kuwait ni Undersecretary Bernard Olalia.

Ayon kay Cacdac, ipatutupad ang naturang patakaran sa kalagitnaan ng July.

Mayo noong nakaraang taon nang suspendihin ng Kuwait ang pagbibigay ng mga bagong visa para sa Pinoy matapos ang nangyaring pagpatay kay Ranara.

Enero 2023 nang makita sa disyerto sa Kuwait ang sunog na bangkay ni Ranara, na ginahasa, nabuntis, at sinagasaan ng anak ng kaniyang amo na menor de edad.

Dahil sa naturang krimen, itinigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga first-time worker sa Kuwait.

Nitong September 2023, hinatulan ng korte sa Kuwait na makulong ng 15 taon ang menor de edad na akusado sa pagpatay kay Ranara.

Sa pagpapadala ng mga skilled workers, sinabi ng DMW na nangangailangan ang Kuwait ng mga manggagawa para sa construction, hospitality, retail, healthcare, education sectors, at iba pa.

Tiniyak naman ng DMW na may nakalatag na sistema para protektahan ang mga OFW.

“Katulad ng pagkakaroon ng mga whitelist at blacklist ng mga recruitment agencies, pagkakaroon ng welfare officers sa mga recruitment agencies na tutulong sa mga OFWs nilang nirecruit na nagkakaproblema, and then yung electronic means nung pagtanggap ng sahod, pag-collect ng sahod,” sabi ni Cacdac.

Sinabi rin ng kalihim na hihilingin nila sa Kuwait na payagan ang mga domestic helper na ligtas na makalipat sa ibang employer.

“Kaya ang isang dahilan na dapat may karanasan na sa pag-a-abroad yung magiging domestic helper sa Kuwait ay para bihasa siya sa mga ganitong sitwasyon,” ani Cacdac.

“Kung halimbawa kailangan niyang lumipat, magkakaroon ng sistema, proseso. Ipapakiusap natin sa Kuwaiti side na hindi siya nakapirmi o nakatali sa isang employer lamang kahit na sapilitan na yung paglilingkod niya sa employer na yun,” paliwanag niya. --FRJ, GMA Integrated News