May mga paniniwala sa mga Pinoy na tatalas daw sa pananalita ang bata kapag nakakain ng maselang bahagi ng katawan ng baboy o kaya naman ay magiging "magana" sa loving-loving ang isang tao kung ari ng kambing ang papapakin. May katotohanan nga ba ang mga ito?

Sa isang episode ng programang "i-Juander," itinampok ang food content creator na si Diego Dela Cruz, o mas kilala bilang si JIGS TVE, na nagmumukbang ng ari ng baboy.

"Kung kayo nakakain na ng tainga ng baboy, ganung ganun ang lasa. Masarap siya," sabi ni Dela Cruz.

Isa rin ang ari ng baboy sa inihahanda ng food content creator na si Hazel Añonuevo, o mas kilala bilang si "hazelcheffy" sa social media.

Ayon sa registered nutritionist-dietician na si Beatrice Joy Fuertes, ligtas naman kainin ang ari ng baboy.

"Pig's vagina is actually a protein-rich food, and it can be consumed as long as it is thoroughly prepared, dini-odorized siya using salt, suka and other herbs and spices para mawala 'yung unecessary na amoy niya," sabi ni Fuertes.

"At the same time it should also be thoroughly cleaned na talagang maayos and kung puwede, alisin 'yung mga buhok-buhok doon sa part na 'yon," dagdag pa niya.

May paniniwala ng mga matatanda na nakatutuwid ng pananalita ng isang taong bulol o pilipit ng dila ang pagkain ng ari ng baboy.

Gaya ni Ariel Cueto, na nahihiya raw tuwing recitation, at hindi niya mabigkas ang letrang "R." Para masolusyunan ito, pinakain daw siya ng ama ng ari ng baboy.

Makalipas ang ilang taon ng pagkain ng ari ng baboy, tumawid umano ang pananalita ni Cueto.

"Kaya siguro nagtuwid din ang aking pagsasalita, nakatulong din 'yun dahil sa dami ko ng nakain. Kaya lang, naubos siguro, napadaldal (ako) ngayon," sabi ni Cueto.

Ngunit ayon kay Fuertes, haka-haka lamang na nakakatulong sa pananalita ang pagkain ng ari ng baboy.

"This is more of a myth. Kasi regardless of what you eat naman, it affects the body but not the ability to have proper speech. If we have speech difficulties, it's best to consult with a speech pathologist para ma-correct 'yung proper speech natin," payo ng nutritionist-dietician.

Sa Guimba, Nueva Ecija, tila nahuli ni Benly Sarmiento ang kiliti ng kaniyang misis dahil sa luto niyang pinispisang ari ng kambing.

Ayon kay Sarmiento, kakaiba ang sipa ng ari ng kambing sa kanilang pagsisiping.

"Kapag may halo ng ari ng kambing, nakakapagpa-init talaga ito, lalo na kapag ka nakakain ka nito, masusubukan mo, mag-iinit talaga ang katawan mo, lalo na kapag katabi mo si misis," sabi ni Sarmiento.

Si Kristel Legaspi naman, may-ari ng Tita Au Bat and Bols sa Marikina, "secret ingredient" sa mga itinitindang putahe ang ari at mammary glands ng kambing.

Madalas na umu-order ng kanilang mga kinilaw nilang kambing ang mga kalalakihan dahil pampagana umano ito sa kama.

Ngunit totoo nga bang aphrodisiac ang ari ng kambing?

"When it comes to goat testicles and goat penis, sabi nga nila, it does contain L-arginine. L-arginine, along with other micronutrients that we can find in protein-rich foods, these can help in boosting the sex drive of a person," sabi ni Fuertes.

Ngunit paalala ni Fuertes, dapat "in moderation" lamang ang pagkain nito dahil mataas ito sa purines na nagdudulot ng gout.

Tunghayan sa video kung papaano ang ginawang paghahanda o paglilinis sa mga ari ng hayop, at kung anong luto ang puwedeng gawin. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News