Napalitan ng tuwa ang takot na naramdaman ng mga residente sa isang barangay sa Mercedes, Camarines Norte nang matuklasan nila na isa palang tuna ang malaking isda na napadpad sa kaniyang baybayin.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing natakot ang mga bata na naglalaro sa tabing-dagat nang makita nila ang malaking isda sa baybayin ng Barangay 6.
Nang makumpirma ng mga nakatatanda na tuna ang isda, pinagtulungan na nila itong hulihin.
Umabot ang bigat ng tuna sa 165-kilogram na naibenta sa sa Mercedes fish port sa halagang P16,000.
Ayon sa mga mangingisda, patunay ito na mayaman pa rin sa lamang-dagat ang kanilang karagatan.--FRJ, GMA Integrated News