Nagtungo sa tanggapan ni San Juan Mayor Francis Zamora ang isang rider na nasira umano ang cellphone at hinampas pa sa ulo sa selebrasyon ng "Wattah Wattah" festival ng lungsod noong Lunes.

Sinabing nagpunta sa tanggapan ni Zamora ang rider na si Eustaquio Rapal nitong Biyernes ng umaga para ipaalam ang nangyaring insidente sa naturang basaan na dinadagsa ng kritisismo mula sa netizens.

BASAHIN: Rider na nainis nang basain sa 'Wattah Wattah’ festival, nanaboy umano ng muriatic acid

"Pumunta na sila sa barangay kanina at ni-review ang CCTV ng barangay kung saan na-identify ni Ginoong Rapal at ng ating mga barangay officials ang tao na nanggulo," ani Zamora.

Sinamahan din ng alkalde si Rapal sa paghahain ng reklamo sa San Juan City Prosecutor's Office.

Kuwento ni Rapal, natigil siya sa trapik at papunta sana sa Mandaluyong City nang lapitan siya ng isang lalaki.

"Pinigilan ko po ito, nagsabi po ako na 'Boss, 'wag po muna kasi mababasa yung cellphone ko at saka 'yung laman po nito ay mga documents.' Ngunit hindi po ako pinagbigyan, binasa pa rin po ako hanggang 'yung cellphone ko po ay nasira kasi nabasa po ng tubig," ani Rapal.

"Pagkabasa niya po sa akin, napamura po ako kasi nabasa 'yung cellphone ko. Pagkatapos po nu'n, hinampas po ako dito sa ulo. Pagkatapos niya po akong hampasin sa ulo, umalis na siya tapos 'yung ibang mga tao po doon pinagbabasa na po ako ng tubig," patuloy ng rider.

Ayon kay Zamora, papalitan niya ang nasirang cellphone ni Rapal at babayaran ang nawalang kita nang dahil sa nangyari.

Nitong Huwebes, humingi ng paumanhin si Zamora sa publiko dahil sa mga kaguluhan at "nabiktima" sa nangyaring basaan na bahagi ng kanilang selebrasyon sa kanilang patron na si Saint John the Baptist.

Hinikayat niya ang mga naperwisyo na magsampa ng reklamo. Inaalam na rin umano ang mga taong lumabag sa kanilang ordinansa patungkol sa naturang pagdiriwang.

"We are now identifying everyone who violated our city ordinance. Na-identify na namin ng one by one sa pamamagitan ng ating mga barangay captains, barangay officials, mga residente. In fact, marami na pong nagvo-volunteer ng information ngayon…Kakasuhan isa-isa," anang alkalde.

Sa mga video na lumabas sa social media, makikita na may mga tao na sumasampa at sadyang nagbubukas ng mga sasakyan para basain ang mga tao sa loob.

Viral din ang isang lalaki na makikitang tila inaasar pa ang isang rider na kaniyang binabasa na walang magawa sa sitwasyon.

Isang rider din ang inaresto matapos na magsaboy ng muriatic acid dahil sa inis nang basain siya kahit nakiusap nang huwag siyang basain.

Plano umano ng lokal na pamahalaan na magtakda ng "basaan" zone sa Pinaglaban Road simula sa susunod na taon para maiwasan na ang kaguluhan. — mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News