May pakiusap aktres na si Sharon Cuneta sa mga basher at troll na huwag “magdunung-dunungan” tungkol sa kanilang buhay pamilya.

Kaugnay ito pag-unfollow ng anak ng Megastar na si KC Concepcion sa Instragram account ng kaniyang mister na si Kiko Pangilinan at anak din na si Frankie.

Sa nakaraang media conference ng concert nila ni Gabby Concepcion na “Dear Heart," umapela si Sharon sa mga pumupuna sa mga nangyayari sa kanilang pamilya na huwag magdikta sa kung ano ang mga dapat nilang gawin.

“‘Yung mga namba-bash sa amin na, ‘yung mga, siguro gustong maging nanay ni KC, o ‘yung mga troll lang na walang magawa, o fans ng iba o fans niya na hindi nakakaintindi, huwag kayong magdunung-dunungan,” saad ng batikang singer-actress.

“Kasi ang showbiz, trabaho namin, hindi kami showbiz na pamilya. Pag-uwi we are very decent and private and some things have to stay within the family. So you cannot expect me na siraan ko ang anak ko. I will never do that,” saad pa ni Sharon.

Ayon sa aktres, tatanggapin niya ang kaniyang mga anak magkamali man ang mga ito, at kung sila ay humihingi ng tawad.

“Lahat ng tao nagkakamali. As long as an apology is sincere and you take accountability for it, whatever it is, this is for all my children, I will always forgive, and I would always embrace you with open arms,” aniya.

Sa nasabing ring media conference, sa kaniyang mga anak, inilarawan ni Sharon si KC na, "the one that is the most... let’s just say she’s the opposite of me."

Higit na nagmana umano si KC sa ama nito na si  Gabby Concepcion.

Ang lakas ng dugo ng papa niya, kaya sila magkasundo, for better or for worse, they are the same,” sabi ni Sharon".

Aminado rin ang aktres na nasaktan siya sa pag-unfollow ni KC sa kaniyang mister na si Kiko at sa isa pa niyang anak na si Frankie.

“And it hurt me, siyempre noong nag-unfollow-unfollow, pero pamilya kami. This is a family matter,” sabi ni Sharon.

Pero paglilinaw ni Sharon, pantay-pantay ang pagmamahal niya sa kaniyang mga anak.

“I am a mother first. I love KC very, very much. I would die for her, for Frankie, for Miel and Miguel, if I had too. Silang apat lang ang papayag akong mamatay [ako na lang] kaysa sa kanila,” sabi ng Megastar.

Nauna nang inihayag ni Sharon na hangad niyang makausap ang anak na si KC.

Kinumpirma naman ni KC ang ginawa niyang pag-unfollow sa Instragram account ng kaniyang amain na si Kiko at kapatid sa ama na si Frankie pero hindi naman daw mawawala ang pagmamahal niya sa mga ito.  --FRJ, GMA Integrated News