Nahuli-cam sa CCTV camera ang ginawang pagnanakaw ng dalawang lalaki sa isang estudyanteng nakatulog sa lamesa sa labas ng isang convenience store sa Bacolod City.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa CCTV footage na nakasubsob sa lamesa ang estudyanteng si Aizo Gonzales, nang tabihan siya ng isang suspek.

Ilang saglit pa, isa pang suspek ang lumapit at pinuntirya na ang kaniyang bag. May pagkakataon pa na nagpalit ng puwesto ang mga kawatan.

Nang makuha na nila ang pakay sa biktima na mahimbing ang tulog, umalis na ang mga suspek.

Nang magising si Aizo, wala na ang kaniyang cellphone at airpods na nasa loob ng kaniyang bag.

"Akala ko nahulog lang. Nagulat na lang ako na ganun'n na ang nangyari," ayon kay Aizo.

Nalaman niyang nabiktima siya nang kawatan nang silipin ang CCTV footage para sana hanapin ang cellphone.

Ayon kay Aizo, naging mahimbing ang kaniyang tulog dahil sa pagod dahil sa pagpa-practice sa basketball.

Naghihintay raw siya noon ng jeep na masasakyan nang makatulog siya.

Ayon sa manager ng tindahan, pamilyar ang mga suspek na pagala-gala daw sa lugar. Bibilinan daw niya ang kanilang guwardiya na bigyan ng babala sa susunod ang nakakatulog sa kanilang labas.

Ini-report na sa pulisya ang inisdente at nagsasagawa ng imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek.--FRJ, GMA Integrated News