Timbog ang tatlong lalaki dahil sa pambubugbog umano sa dalawa pang lalaki sa Barangay Olympia, Makati City. Depensa nila, ang mga biktima ang nag-umpisa ng away.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagposas at pagpapadapa ng pulisya sa tatlong lalaki sa nasabing lugar.
Inilahad ng saksi sa insidente na si Jerico Alegado na nag-umpisa ang gulo sa tapat mismo ng isang bakery hanggang sa umabot sila sa tapat ng convenience store.
"Dalawang lalaki po kasi, pinagtulungan ng apat na lalaki, pinaghahabol po, pinagsusuntok. Hindi po masiyahan 'yung isa, dumating na po 'yung mga pulis, 'yung isa po ay bumawi pa rin po ng suntok," sabi ni Alegado.
Sugatan sa mukha at iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.
Dinala ang tatlo sa apat na suspek sa barangay habang nakatakas ang isa.
Ayon sa mga suspek, nakursunadahan lamang sila dahil mga dayo sila roon.
Kaarawan ng isa sa mga suspek at bibili sana sila ng alak nang mangyari ang insidente.
Sinabi naman ng suspek na may kaarawan na nagulat na lang siya nang magkagulo sa labas.
Nagpa-medical ang mga biktima, na hindi na nakuhanan ng panig kaugnay sa mga alegasyon sa kanila ng mga suspek.
Sinabi ng barangay na sisikapin nilang mapag-ayos ang dalawang grupo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News