Dumanak ang dugo sa isang sabungan sa Marikina City, pero hindi ito mula sa mga manok na nagsabong kung hindi mula sa isang lalaki na unang pinuntirya at tinamaan ng "tari" ng manok na kaniyang binitawan. Paano nga ba maiiwasan ang ganitong insidente?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na sideline ng biktimang si "Ruel," 42-anyos, ang magbitaw ng manok sa sabungan bilang dagdag na kita.
Ayon sa kasamahan ni Ruel na si Andoy Castor, nakapag-uuwi sila sa pamilya nang hanggang P1,000 na komisyon sa pagbibitaw ng manok sa sabungan.
Malaking tulong na ito kay Ruel kahit paano para sa gastusin ng maysakit niyang ina.
Walang sariling manok na manabong si Ruel kaya madalas niyang bitawan ang panabong ng kaniyang kapitbahay na si Sonny Vargas, kabilang na ang "talisain" na manok na itinuturing pinakamatapang sa mga alaga nito.
Ayon kay Sonny, tanging si Ruel lang umano ang nakakapagpaamo sa naturang manok na agresibo sa tao.
Ilang sabong na rin umano ang nanalo ang alaga ni Sonny na si Ruel ang nagbitaw, o nagpakawala sa manok sa laban.
Kaya naman may kasabihan umano sa mga sabungero na ang nanalong manok, dapat na kaparehong tao ang hahawak kapag muling inilaban.
Hanggang sa mangyari ang hindi nila inaasahan noong Hunyo nang ilaban ang manok ni Sonny, at kumpiyansa si Ruel na mananalo ang kanilang pambato.
Pero nang bitawan na ni Ruel ang hawak na manok, sa halip na ang kalabang manok ang harapin, siya ang unang hinabol at inatake.
Tinamaan ng matalas at matalim na tari ang binti ni Ruel at nahagip ang ugat na dahilan para magdugo nang husto ang kaniyang mga sugat.
"Hindi talaga matigil 'yung dugo. Inabot pa 'yung daliri tapos tinamaan ito (hita). Putol talaga kaya 'yung dugo sobrang dami," sabi ni Castor.
Kahit nag-aagaw buhay na noon si Ruel, itinuloy pa rin ang sabong dahil hindi na magawang hawakan ang mga manok.
Pero ang matapang at agresibong manok na binitawan ni Ruel, patay din sa kalabang manok.
Habang si Ruel na halos maligo na sa kaniyang dugo, binitbit ng mga kasamahan para dalhin sa ospital. Sa kasamang-palad, binawian siya ng buhay.
Paano nga ba maiiwasan ang ganitong mga insidente na nangyayari sa mga sabungan? At mayroon bang dapat managot sa sinapit ni Ruel? Panooring ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News