Balik-kulungan ang isang 50-anyos na lalaki matapos na magwala at nakuhanan ng sumpak sa Navotas City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nagpunta barangay hall ang mga kabataan ng Barangay Bangkulasi nitong Martes ng gabi para isumbong ang suspek na lasing at nagwawala sa kanilang lugar.
Nagsumbong na rin ang ibang residente sa mga nagpapatrolyang pulis.
Nahuli sa akto ang suspek na nagwawala at nakuha sa kaniya ang isang sumpak na may bala.
"Naaktuhan po natin 'yung suspek ay nagsisisigaw, nagbababato roon at may hawak-hawak po siyang pen gun. Nagbasag siya ng bote tapos may mga bato siyang hawak na ibinato niya kaya naalarma ang mga tao," sabi ni Navotas Police Patrol Operations Chief Police Major Anthony Mondejar.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nabilanggo rin ang suspek nitong nakaraang buwan dahilsa paglalaro ng sugal na cara y cruz.
"Tinitingnan natin pong dahilan kung bakit siya nagwawala roon ay pinag-iisipan po niya, kaya siya nahuli, ay 'yung mga nagsumbong po. Kaya noong nakalabas po ito at nakainom, sinamantala, humiram ng tapang sa alak," sabi ni Mondejar.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ng suspek ngunit tumanggi siyang humarap sa camera.
Nahaharap siya sa reklamong alarm and scandals at paglabag sa Comprehensive Firearms and Regulation Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News