Masayang binalikan nina AiAi Delas Alas at Arnell Ignacio ang panahon na sing-along "masters" sila sa isang bar sa Quezon City na nasa P200 ang bayad sa kanila. Kaya nang may customer na handa silang bigyan ng P1,000 kapalit ng pag-tumbling, hindi nila iyon pinalampas.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, ikinuwento nina AiAi at Arnell ang hindi nila malilimutang karanasan nang nagtatrabaho pa sila sa Music Box noong dekada 80's.
Ayon kay Arnell, nauna siya kay AiAi na napunta sa sing-along bar nang may magdala sa kaniya sa naturang bar na pinupuntahan umano ng mga artista at direktor.
"Kumbaga mayroon daw potensiyal na magkaroon ako ng career doon. Ako naman naniwala," natatawang sabi ni Arnell.
"Punta kaming Music Box. Eh hindi naman ako umiinom talaga. Sa nerbiyos ko, lumaklak ako ng isang boteng beer, nalasing ako. Nagpe-perform ako, naggagapang ako dun sa stage, sabi ng may-ari, 'Hoy, ang galing niyan.' Ayun kinuha ako," patuloy niya.
Si AiAi, sinabing naglayas siya at dinala ng barkada sa Music Box para mag-sing-along.
"Nakainom ako, eh hindi rin ako umiinom. So kumakanta ako walang lyrics, tapos tumatumbling-tumbling ako," sabi ni AiAi.
Ayon kay Arnell, buo ang paniniwala ni AiAi na maganda ang performance niya dahil nag-e-enjoy ang mga tao.
Nang panahon na iyon, sinabi ni Arnell na P200 ang sahod niya, habang P250 naman si AiAi.
Kaya nang may customer na magbibigay sa kanila ng P1,000 basta mag-tumbling si AiAi, sinabihan daw ni Arnell ang kaibigan na gawin ang gusto ng customer.
“May lasing na mama, sabi sa kaniya, ‘Arnell, ‘yung kasama mo, pag-tumbling-in mo nga ‘yan.’ Pinagta-tumbling ako,” natatawang sabi ni AiAi.
“Sahod namin noon, tig-P200 lang. Siya, P250. Sabi ko, ‘Huy, P1,000. Tumumbling ka na,’” dugtong ni Arnell. “Lahat kami nag-tumbling."
Magbabalik si AiAi bilang judge sa GMA Network's singing competition na "The Clash," kasama sina Christian Bautista at Lani Misalucha.
Habang pinamumunuan naman ngayon ni Arnell ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang ahensiya na may kaugnayan sa pagkalinga sa mga overseas Filipino worker. --FRJ, GMA Integrated News