May paniniwala sa showbiz na lapitin ng mga babae ang mga komedyante. Kaya naman sa isang panayam, tinanong ang simpatikong komedyante na si Empoy Marquez tungkol sa status ng kaniyang love life.

Sa kaniyang pag-guest sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," tinanong ni Pia si Empoy tungkol sa kaniyang pagiging eligible bachelor.

Tumawa muna si Empoy na kunwaring hindi naiintindihan ang tanong at sinabing, "Oh my goodness... What's that?"

Kaya nilinaw ni Pia na "single and ready to mingle" ang kahulugan ng kaniyang tanong.

"Oh yeah," nangingiting tugon ng bagong co-host ni Susan Enriquez sa programang "IJuander."  

"Sometimes," natatawa pa niyang dugtong.

Ayon pa kay Empoy, wala pa namang "nag-aangkin" sa kaniya.

"Wala. Wala pa namang nagtangka na gano'n," sabi niya.

Tinanong ni Pia si Empoy kung handa na ba siyang magmahal?

"Sakto lang," matipid na tugon ni Empoy.

Sa guesting ni Empoy sa "Fast Talk with Boy Abunda" Oktubre noong nakaraang taon, binisto siya ng kaibigang si Jayson Gainza na crush niya si Analyn Barro.

Binisto pa ni Jayson si Empoy na mas lapitin ng chicks si Empoy.-- FRJ, GMA Integrated News