Nauwi sa trahediya ang pagbili ng miryenda ng isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo matapos silang maaksidente sa Mangaldan, Pangasinan. Ang babaeng angkas, nasawi.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ang nasawing biktima na si Faustina Bautista, 43-anyos, na nagtamo ng matinding sugat sa ulo.
Patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang rider, na nawalan umano ng kontrol sa motorsiklo na dahilan ng kanilang pagkakatumba.
"Yung naka-single [na motor], sobrang bilis nila magpatakbo...tapos nahulog po yung babae, yung driver ng motor, na-out balance siya," ayon kay Ryan Dulatre, saksi sa insidente.
Pauwi na umano ang dalawa matapos bumili ng miryenda nang mangyari ang insidente sa Barangay Buenlag.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakainom ang dalawa at parehong walang suot na helmet.
"Ayon sa pag-iimbestiga natin, yung rider at backride [ay] nakainom ng alak... parehas sila na walang helmet kaya nung sumemplang sila, walang proteksyon yung mga ulo nila," ayon kay Police Captain Rommel Dulay ng Mangaldan Police Station stated.
Emsyonal na mensahe ni Jimboy Bautista sa kaniyang namayapang ina, "Kung saan man siya naroroon, sana palagi niya kaming bantayan at palagi siyang masaya." -- FRJ, GMA Integrated News