Napaatras sa takot ang isang motorista sa Phu Tho, Vietnam nang mahuli-cam sa kaniyang dashcam ang pagkahulog sa ilog ng isang truck na nauuna sa kaniya nang bumigay ang bahagi ng tulay na kanilang dadaanan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video footage na nakasunod ang motorista sa isang motorsiklo, at nauuna sa kanila ang truck.
Pero ilang saglit lang, bumigay na ang tulay at kasamang bumagsak sa ilog na may malalim na tubig ang truck. Mapalad naman na nakatigil din agad ang motorsiklo.
Sa takot naman ng motorista na may dashcam, umatras siya habang ang ibang tao, nagtungo sa tulay para alamin ang nangyari at kalagayan ng mga nahulog.
Ayon sa mga awtoridad, bukod sa truck, 10 iba pang sasakyan at dalawang motorsiklo ang bumagsak sa ilog.
Nangyari ang trahediya nang manalasa sa Taiwan ang bagyong Yagi, na tinawag na Enteng nang unang dumaan ito sa Pilipinas.
Apat ang kaagad na nasagip sa insidente pero 13 pa ang hinahanap hanggang noong Lunes, September 9.
Naging pahirapan ang search and rescue operasyon dahil na rin sa taas ng tubig sa ilog.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, posibleng bumigay ang tulay na itinayo noong 1995 dahil sa tindi ng ulan at malalakas na hangin.
Dahil may katagalan na rin ang naturang tulay, nabawasan na umano ang load-bearing capacity nito.
Sumailalim na ito sa repair at hindi na pinapayagan na dumaan ang mga sasakyan na may bigat na 18 tons pataas.
Bukod sa naturang tulay, marami pang instruktura sa Vietnam ang pinabagsak ng bagyo. Naapektuhan rin ang kanilang komunikasyon at linya ng mga kuryente.
Sa pinakahuling tala ng mga awtoridad, hindi bababa sa 46 ang nasawi dahil sa naranasang pagbaha at mga landslide.--FRJ, GMA Integrated News