Napasigaw at napatakbo papasok ng bahay ang isang babae matapos niyang makita ang isang Philippine cobra sa kanilang balkonahe sa Zamboanga del Sur. Ang hindi niya agad nalaman, muntikan na siyang tuklawin ng makamandag na ahas.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa CCTV footage si Kristhine Joy Bation-Sevilla, na tila nagpapahangin lang habang abala sa kaniyang cellphone sa balkonahe ng kanilang bahay.
Hanggang sa makita niya na ang cobra sa gilid ng balkonahe na napansin na rin ng alaga niyang pusa.
Napasigaw sa takot si Sevilla at mabilis na pumasok sa kanilang bahay.
Pero bago ang naturang insidente, paglabas pa lang pala ni Sevilla ay nandoon na sa balkonahe ang cobra at pumorma na tutuklawin siya pero hindi itinuloy ng ahas.
Nang sandaling iyon, hindi pa napapansin ni Sevilla ang ahas dahil nakatuon ang atensyon niya sa hawak na cellphone.
Ngunit nang mapatingin si Sevilla sa sahig, doon na siya napasigaw sa kaniyang nakita.
Maging ang lalaki na nasa labas ng bahay, napaatras din at humingi ng tulong sa iba pang residente.
Ilang lalaki ang nagtulong-tulong para mahuli ang ahas, na kinalaunan ay pinakawalan sa ligtas na lugar.
Sinabi ni Sevilla na maayos ang kaniyang kalagayan pati na ang alaga nilang pusa na nakalapit sa ahas.
Nagpasalamat din ang pamilya sa kanilang mga kapitbahay na tumulong para mahuli ang ahas.
Isang "highly venomous" na ahas ang Philippine cobra at nakamamatay ang kamandag nito. --FRJ, GMA Integrated News