Dalawa ang nasawi at dalawa ang sugatan sa nangyaring salpukan ng isang cement mixer truck at isang wing van sa Leganes, Iloilo nitong Martes.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawi na sina Fermin Gamarcha, Jr., na driver ng cement mixer truck, at si Niño Miranda, na helper sa wing van.  

Sugatan naman na isinugod sa ospital ang driver ng wing van na si Ryan Ramos, at ang helper ng cement mixer truck na si Joemar Sonza.

Nangyari ang insidente sa Barangay Calaboa sa bayan ng  Leganes dakong 11 a.m. nitong Martes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na naputukan ng gulong ang wing van na dahilan para mapunta ito sa kabilang linya ng kalsada at makasalpukan ang kasalubong na cement mixer truck.

Posible umanong mabilis ang takbo ng wing van nang mangyari ang insidente.

Kasunod ng pangyayari, nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) Region 6, sa mga motorista na palaging suriin ang kondisyon ng kanilang mga sasakayan bago bumiyahe.

Nakatakda umanong mag-usap ang pamilya ng mga sangkot sa insidente sa Biyernes. --FRJ, GMA Integrated News