Ipinakita ng isang couple ang literal na "til death do us part" na pagmamahalan nang ikasal ang isang babaeng na-comatose sa kaniyang partner ilang oras bago siya pumanaw sa ospital sa Malasiqui, Pangasinan.

Sa ulat ng Saksi nitong Martes, sinabing comatose si Jenny Calimlim-De Guzman dahil sa brain tumor, ngunit pinakasalan pa rin siya ni Jayson Lopez de Guzman na kaniyang long-time partner.

Ginanap ang kanilang kasal sa loob ng ospital.

Ngunit matapos ang oras ilang oras, pumanaw na si Jenny, na naulila ang edad lima at anim na buwang gulang niyang mga anak.

Nakararamdam man ng lungkot sa kaniyang pagpanaw, masaya pa rin ang pamilya at ang groom na si Jayson dahil natupad ang pangarap ni Jenny na maikasal. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News