Tatlong bangkay ng lalaki ang nakita sa ibaba ng isang tulay sa Sogod, Southern Leyte. Ang mga biktima, may alambreng nakapalupot sa leeg.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nakita ang mga bangkay sa Barangay Olisihan nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa Southern Leyte Police Provincial Office (SLPPO), hinihinalang nasa edad 18 hanggang 25 ang mga biktima.

Bukod sa alambre sa kanilang leeg, may packaging tape din ang bibig ng mga biktima.

HInala ng pulisya, pinatay sa ibang lugar ang tatlo at itinapon lang sa ibaba ng tulay.

Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktima at hinikayat ng pulisya ang mga nawawalan ng kamag-anak na makipag-ugnayan sa SLPPO sa numero bilang 0998-598-6524.--FRJ, GMA Integrated News