Suwerte ang isang basurero sa China nang madiskubre niya ang mga perang papel na nakaipit sa mga spring ng lumang kutson na kaniyang napulot. Pero ang isang nagpapaupa, minalas naman sa mapangheng basura na nakita niya sa ilalim ng kama.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nasorpresa ang isang lalaki sa Wuzhou, China na pamumulot ng basura ang ikinabubuhay, nang buksan niya ang lumang kutson na nakita niya sa gilid ng kalsada.
Tila mga piraso ng basurang papel ang nakaipit sa mga spring ng kutson na mga tig-P100 Chinese yuan pala, na ang katumbas na halaga ng bawat isang piraso ay P800.
Hindi naman binanggit sa ulat kung magkano ang kabuuang halaga na nakalagay sa loob ng kutson na nakita ng basurero pero malaking tulong iyon sa kaniya.
Kung sinuwerte ang basurero, minalas naman ang isang landlord o nagpapaupa dahil sa mapangheng basura na iniwan sa ilalim ng kama ng dati niyang tenant na lalaki.
Nang alisin niya kasi ang kutson ng kama sa tinuluyang kuwarto ng tenant, tumambad ang sangkaterbang boteng plastik na ihi ang laman.
Hindi sinabi sa ulat kung pinapanagot ng landlord ang dati niyang tenant sa iniwan nitong basura sa ilalim ng kama pero napilitan ang landlord na linisin ang kadirang basura.-- FRJ, GMA Integrated News