Bagong taon, bagong goals o minimithi. Pero paano nga ba magtatagumpay upang makamit ang mga ito? Alamin.

Ang college graduate na si Precious Dayo, nais na magkatrabaho na ngayong 2025. Sa susunod na dalawang taon naman, target niyang makaipon. Pati ang magiging sahod niya, pinaghahandaan na rin niya.

“‘Yung 50% ko na 'yon, 'yun 'yung gagastusin ko sa bahay, mga bills and mga other expenses ibibigay ko rin kay mommy ko. Tapos yung 30% ko naman, gagamitin ko naman yun sa savings ko and yung 20% para sa sarili kong gusto sa buhay,” paliwanag ni Precious.

Magandang kalusugan naman para sa pamilya ang goal ng kaniyang ina ngayong taon.

Sabi ni Joselyn Dayo, “Magiging watchful na rin kami sa kinakain, less salty. Saka nagkaka-edad kami kailangan vegetable na lagi, 'wag na yung masyadong meaty kasi hindi talaga maganda eh saka softdrinks ng pamilya iwasan na ‘yun.”

Ang mapaunlad ang negosyo naman ang goal ni Albert Panim, habang manatili bilang honor student naman ang goal ni Rian Liscano.

“Dapat tutukan talaga. Kasi minsan may mga bagay bagay na 'yun nga kapag hindi mo napo-focusan nawawala,” ayon kay Panim.

“To focus on my studies po and iwas po sa puro sabi ng ‘mamaya ko na gagawin ‘yan.’ Kasi kapag sinasabi ko po kasi ‘yung ‘mamaya na ‘yan,’ doon na po ako nawawalan ng gana to the point na tatamarin ako,” sabi naman ni Liscano.

Ayon sa life coach na si Ana Santiago, mahalaga ang pagse-set ng goal sa buhay para magkaroon ng direksyon at focus sa gusto mong marating.

Payo niya para ma-achieve ang goal, dapat maging malinaw sa iyo ang gusto mong mangyari.

"Ano ba yung gusto nating i-achieve? Ano ba yung outcome that we wanted to accomplish? Kasi if we have so many things at hand, 'I wanted to this this, I wanted to do that,' and you are not being clear on what you should focus on. Then you will not be having a particular outcome,” paliwanag ni Santiago.

Ang goal, dapat daw na specific, measurable, attainable at time bound.

“Kasi minsan nagse-set tayo ng goals na masyadong mahirap i-accomplish. Kaya tendency, nape-pressure natin yung sarili natin na nagiging hard na tayo sa sarili natin, that we weren’t able to achieve that certain goal.” dagdag pa ni Santiago.

Kapag na-set mo na ang iyong goal, mainam na isulat ito.

“Minsan mahirap kapag iniisip lang natin ito yung goal ko, lalagay lang natin sa utak natin, sometimes we neglect it. So mas maganda na parang meron kang blue print…you can have a certain creative visual so that it will be reminded na ito yung goal ko,” payo ni Santiago.

At kapag sinimulan na ang pag-achieve sa iyong goal, dapat gumawa ng routine, maging consistent at i-track ang progress.

Bukod sa pagse-set ng goals at pagsusumikap na maabot ito, mahalaga rin daw na maging mapagpasalamat para sa lahat ng biyaya at mga tagumpay na nakamtan sa buhay.-- FRJ, GMA Integrated News