Sinabi ni AiAi delas Alas na hindi pa niya nakakausap at nakikita ang dating mister na si Gerald Sibayan mula nang maghiwalay sila noong Oktubre.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong ang aktres kung nagkakausap o nagkita na ba sila ni Gerals, at sinabi nitong hindi.

Ayon kay AiAi, desisyon niya rin na huwag nang kausapin si Gerald mula nang maghiwalay sila at tumapos sa 10 taon nilang pagsasama.

"I refused to. From the time na 'yung sinabi niya 'yon sa akin, hindi na ako nakipag-communicate sa kaniya. Nakikipag-communicate ako sa kaniya through some people like my son-in-law, ganyan, tapos 'yung mga ibang tao. Pero ako, direktang [no]," paliwanag ng aktres.

Nitong nakaraang Nobyembre nang kumpirmahin ni AiAi sa naturang programa rin na hiwalay na sila ni Gerald.

Ikinasal sina AiAi at Gerald noong 2017, at nagkaroon sila ng renewal of vows sa Las Vegas noong 2022.

Sa nakaraang panayam ng programa, inihayag ni AiAi na ang hindi nila pagkakaroon ng anak ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Gerald.—FRJ, GMA Integrated News