Inirekomenda ng Los Angeles Sheriff's Department Homicide Bureau na sampahan ng tatlong bilang ng kasong pagpatay ang isang 23-anyos na lalaki dahil sa pagpatay umano nito sa tatlo niyang kamag-anak na Filipino-American sa Baldwin Park, Los Angeles, California. Ang dalawa sa mga biktima, menor de edad.

Kasalukuyang nakakulong sa Los Angeles County Jail ang suspek na inilarawan lamang bilang isang Asian na lalaki.

Kinilala ng Los Angeles County Medical Examiner ang mga biktima na sina Mia Chantelle Narvaez, 8; Paul Sebastian Manangan, 16; at Rona Nate, 44, na pawang nagtamo ng mga tama ng saksak.

Batay sa ulat, rumesponde ang mga pulis noong bisperas ng Pasko mula sa isang 911 call makaraang marinig ang isang kapitbahay ang mga biktima na humihingi ng tulong.

Sa kasawiang-palad, patay na ang mga biktima nang dumating ang mga pulis pero naaresto ang tumatakas na suspek.

Wala pang ibinibigay na karagdagang detalye ang mga imbestigador hinggil sa motibo ng krimen, bilang paggalang sa nagluluksang pamilya ng mga biktima.

Samantala, humihingi naman ng pinansiyal na tulong ang pamilya ng mga biktima upang matustusan ang gastusin upang maipalibing ang tatlo nilang kaanak.— mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News