Isang 11-anyos na lalaki ang hindi na umabot sa bagong taon matapos siyang nasawi dalawang araw makaraang mabiktima ng hit-and-run ng pulang kotse sa Sta. Maria, Bulacan noong gabi ng December 28.
Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News Saksi nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage sa nangyaring trahediya habang tumatawid ang biktima na bunso sa kanilang pamilya.
“Nakita ko na lang na lantang gulay yung kapatid ko doon. Agad-agad ko talagang itinakbo na talaga sa ospital. Hindi na ako naghintay ng ambulansya,” ayon kay Jake Arquiola, nakatatandang kapatid ng biktima.
Ang kanilang ina, ayaw umanong umalis sa tabi ng kabaong ng kaniyang bunsong anak.
“Hindi ko matanggap lalo na at Bagong Taon. Hindi ko nga alam kung masaya pa yung Bagong Taon namin kasi nawalan kami ng kapatid,” dagdag ni Jake.
Hindi pa rin nahuhuli ang suspek bagaman naiwan sa pinangyarihan ng insidente ang basag na salamin na may nakadikit na RFID sticker.
Nakuhanan rin ng CCTV footage ang pagtakas ng kotse, na ibinigay sa pamilya ng biktima.
Naibigay naman ng pamilya sa Sta. Maria Police Station ang mga naturang impormasyon pero tumanggi muna ang mga awtoridad na magbigay ng pahayag habang patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver.
Makikipag-ugnayan umano sila sa pamunuan ng North Luzon Expressway at nagsasagawa rin ng backtracking sa mga CCTV camera sa lugar.
Panawagan naman ng pamilya ng biktima sa suspek, sumuko na.
“Yung nakabangga, sana sumuko ka na, makipagtulungan ka sa amin. Kasi mahirap yung nangyari kahit sabihin na aksidente, sana hindi mo tinakbuhan,” ayon kay Jake. --FRJ, GMA Integrated News