Bangkay at naagnas na nang makita sa bakuran ng kaniyang amo sa Kuwait ang isang Pinay na overseas Filipino workers (OFW) na dalawang buwan nang nawawala.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, kinilala ang OFW na si Dafnie Nacalaban, na ayon sa kaniyang kapatid ay may plano umanong umuwi sa Pilipinas nitong Disyembre.

“Tinatanong namin siya kailan talaga uwi niya. Sabi niya, ‘Basta i-surprise ko kayo sa December.’ Ito pala yung surprise niya,” pahayag ni Michael Nacalaban Lensahan, kapatid ni Dafnie.

Ayon kay Michael, wala namang nabanggit na problema sa kaniya ang kapatid nang magkausap sila noong nakaraang Mayo.

Ang kapatid daw mismo ng suspek ang nag-report sa mga awtoridad na nawawala si Dafnie.

Hinala ni Michael, binalak ng amo ng kaniyang mga kapatid na itago sa kanila ang pangyayari.

“Balak po talaga na itago po [ang insidente]. Ang hiling lang po namin sana makauwi yung kapatid namin tapos mabigyan po ng hustisya kung ano ang talagang nangyari sa kaniya. Bakit po ganun ang ginawa sa kaniya?” saad niya.

Ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, dinakip na at nakadetine ang suspek na dati nang may criminal record.

Ang kapatid daw ng suspek ang nag-report na nawawala ang biktima na nagresulta sa pagkakahanap sa kaniyang bangkay.

“Yung kapatid mismo ng suspek sinabihan yung pulis. Ininvestigate nung pulis. Nakita ng pulis sa bahay yung bangkay, advanced state of decomposition, magda-dalawang buwan na,” pahayag ni De Vega.

“We assure the Public that the government will do what it can to seek justice. Malungkot na nangyari ito, katapusan ng taon,” dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News