Lumabas sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) na itinuturing ng karamihan sa mga Pilipino na seryosong usapin ang pagkalat ng fake news. Samantalang 51% ang nahihirapang matukoy ang "misinformation" na kumakalat sa social media. Paano nga ba ito malalabanan lalo na ngayong 2025 na may idaraos ang mid-term elections sa Pilipinas?
Sa kaniyang mensahe sa GMA News Online, sinabi ng award-winning data scientist at technologist na si Dominic “Doc” Ligot, na kinakailangan pa ng kamulatan at edukasyon ng publiko tungkol sa mga fake news gaya ng deepfake.
"What we need is more public awareness. Any deepfake reported on [social media] gets taken down quickly, which limits distribution, but also deprives the public from learning how they look like. I think we need ways of educating people broadly about it - with more awareness comes intuition, so people will not be easily fooled by these synthetic media," saad ni Ligot.
"Deepfakes are already being used to sell investment scams and sketchy products online," dagdag pa niya.
Sa survey na isinagawa ng SWS noong 2021, lumabas na tumaas sa 67% mula sa 58% noong 2017, ang mga respondents na nagsabing nagiging malaking problema ang fake news sa social media tulad ng Facebook, Twitter at Youtube.
Dagdag nito, tumaas din mula 60% sa 2017, sa 69% sa 2021, ang mga nagsasabing nahihirapan silang makatukoy ng fake news sa tradisyunal na media gaya ng telebisyon, radyo at diyaryo.
Sa hiwalay na survey ng Pulse Asia noong 2022, nakasaad na 90% ng Pinoy ang nakabasa at nakapanood ng fake political news, habang 86% sa mga respondent ang naniniwala na problema sa bansa ang mga mali at pekeng mga balita.
Fake news sa Eleksyon 2025
Sa nalalapit na Eleksyon 2025 sa Mayo, sinabi ni Ligot na inaasahan niya na mas lilikha pa ng ingay ang artificial intelligence (AI) at deepfakes sa cyberspace sa panahong ito.
“I’ve been expecting that this will happen. Since 2018, I’ve seen the possible use of deepfakes for campaigning,” sabi ni Ligot sa nakaraang panayam noon sa GMA News Online.
“So far, we haven't seen any serious use of deepfakes concerning the upcoming elections,” dagdag ni Ligot.
Ayon sa eksperto, ang AI ay malawak na natutukoy bilang anumang proseso na ginagamitan ng data upang makalikha ng isang output. Maaari itong ikategorya sa dalawa: generative at discriminative artificial intelligence.
Ang Generative AI (GenAI) models ay idinisenyo upang makabuo ng data habang ang discriminative AI models ay nakatuon sa pagtutukoy sa iba't ibang uri ng data.
Samantala, ang deepfakes, naman ay mga uri ng generative AI, na lumilikha ng “synthetic videos, synthetic audio, synthetic images” batay sa mga pattern na dati na nitong natutunan.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang deepfakes ay "mimicry of the voice or image of the person purporting to be someone else."
Nalilikha ito sa pamamagitan ng pag-splice ng mga larawan, video, audio, o kombinasyon ng mga format upang lumikha ng mapanlinlang at maling nilalaman.
Sa kasalukuyan, mayroong tatlong pangkalahatang diskarte sa deepfake na teknolohiya, sabi ni Ligot-- ang face-swapping, lip-synching, at AI-generated na avatar.
Paano nga ba matutukoy ang fake news?
Upang matukoy ang fake news, tukuyin ang source at itanong ang sarili, "Sino ang nag-post nito?" "Naberipika ba ang account?" "Kaduda-duda ba ang account name o username?" "Mukha bang lehitimo ang profile picture?"
Kaugnay naman sa accountability o pananagutan, tingnan din kung may byline o pangalan ng writer ang artikulo o news item.
Kung nagdududa, iberipika ang account. Suriin ang impormasyon gamit ang iba pang sources o websites.
Hinggil sa petsa, tandaang hindi lahat ng nakikita sa social media feed ay bago. Kaya mainam na suriin din ang petsa ng isang post o story.
Suriin din ang kalidad nito. Kung may mga kakaibang linya, kulay, at letra sa mga larawan o video, maikokonsidera itong kahina-hinala. Alamin ang katotohanan ng larawan sa pamamagitan ng reverse image search para madala ka sa orihinal na source, o sa pamamagitan ng geolocation upang mahanap ang pinagmulan ng larawan.
Para sa mga video, kaduda-duda ang mga ito kung maraming na-crop na clip dahil maaaring ginawa ang mga ito para makabuo ng pekeng kuwento. Para iberipika, tingnan ang mga keyword sa caption o tingnan ang mga detalye sa video.
Pinakamalaking alyansa laban sa fake news
Nitong Agosto, nakipagsanib-pwersa ang GMA Network at mga respetado at kilalang media organizations, institusyong akademiko at Commission on Elections (COMELEC) para buuin ang pinakamalaking alyansa para labanan ang disinformation.
Hango sa “Panata Kontra-Fake News” ng Kapuso Network, halos 60 partners ang tumugon sa panawagan na maging bahagi ng Panata Kontra-Fake News Covenant Signing. Sa ilalim ng layunin na, "Magkaisa Tayong Labanan ang Fake," sumumpa ang mga partner na gagawing responsibilidad at ipinangako na naninindigan para labanan ang pagkalat ng mga maling impormasyon at pekeng mga ulat.
Matapos ang makasaysayang Panata Kontra-Fake News Signing, naglalabas na ang GMA Network ng mga content para imulat ang mga Pilipino tungkol sa fake news at hikayatin silang manindigan at magkaisa kontra sa disinformation.
Para sa taong 2025, hinimok ni Ligot ang mga samahan laban sa deepfake na pag-ibayuhin pa ang detection o pagtukoy ng mga ito.
"On the alliances between Comelec and journos - the crucial element is detection. Although some tools have the ability to identify potential fakes, the practice is not yet foolproof - a misidentified or false positive deepfake is also as damaging as an undetected one - and serves to confuse the public. Any alliance should aim to improve this," anang data scientist. -- FRJ, GMA Integrated News