Sa pagpasok ng 2025, sulyapan ang mga nagdaang kontrobersiya sa showbiz sa bansa. Mula sa sampahan ng mga reklamo, pagkabilanggo, pagtataksil at iba pang nakagugulat na mga rebelasyon.
Viral na kantang 'Selos'
Inalis sa streaming platforms noong nakaraang Marso ang viral na kanta ng “Queen of Bangsamoro Pop” na si Shaira Moro matapos itong masangkot sa kontrobersiya ng copyright infringement o panggagaya umano sa awitin ng Australian singer na si Lenka.
Matapos ang pakikipag-usap ng kampo ni Shaira sa team ni Lenka, walang kasuhan na nangyari at naging "mahinahon at mapayapa" ang kanilang kasunduan. Naibalik din ang "Selos" sa streaming platforms.
Ricardo Cepeda, nakalaya na mula sa kasong syndicated estafa
Matapos ang halos 11 buwan na pagkadetine, pansamantalang nakalaya ang aktor na si Ricardo Cepeda mula sa kinakaharap na kasong syndicated estafa.
Nauna nang iginiit ni Ricardo na modelo lamang siya at wala siyang kaugnayan sa inirereklamong kompanya na sangkot umano sa panloloko.
Bea Alonzo, sinampahan ng reklamong cyber libel sina Ogie Diaz at Cristy Fermin
Sinampahan ni Bea Alonzo ng tatlong magkakahiwalay na reklamong cyber libel ang showbiz columnists at online hosts na sina Cristy Fermin at Ogie Diaz, pati na rin ang kani-kanilang co-hosts sa kani-kanilang online program. Nagsampara rin ng reklamo ang Kapuso actress laban sa isang online basher na nagkukunwari umanong malapit sa kaniya.
Batay sa reklamo ni Bea, biktima siya ng mali, malisyoso at nakasisirang impormasyon mula sa isang tao na nagkukunwaring malapit sa kaniya, na inilabas naman at tinalakay sa mga online show nina Cristy at Ogie nang walang basehan.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Ogie na gusto pa rin niya na magkatuluyan ang aktres at dati nitong fiancé na si Dominic Roque.
Itinanggi rin ni Cristy ang mga alegasyon ni Bea at sinabing handa niyang harapin ang reklamo.
Denise Julia vs. BJ Pascual
Isiniwalat ng photogapher na si BJ Pascual ang kaniyang nakadidismayang pakikipag-ugnayan sa singer na si Denise Julia para sa isang shoot.
Ayon kay BJ, noong gabi bago ang nakatakda nilang shoot, nagpakansela ang manager ni Denise dahil hindi available ang napili nilang stylist. Pinakansela na lamang ni BJ sa kaniyang manager ang shoot, ngunit kailangan nilang magbayad dahil sa mga agarang pagbabago.
Inisip ni BJ na namahalan ang team ni Denise sa shoot, at hindi rin umano siya kinausap ng singer o humingi ng tawad.
Matapos mag-detox sa social media, inere ni Denise ang kaniyang panig sa mismong araw ng Pasko, kabilang ang pagpursigi ng kaniyang manager na magkasundo sila ng kampo ni BJ tungkol sa budget, bagay na hindi nangyari.
Humingi ng tawad si Julia kay BJ, ngunit iginiit na dinirekta na lamang sana siya ng photographer at hindi isiniwalat sa publiko ang hindi nila pagkakaunawaan.
Muling tinugunan ni BJ ang mga pahayag ni Julia, samantalang kinausap ni Julia ang kaniyang legal team upang maghain ng defamation lawsuit laban sa photographer at kay Killa Kush na siyang may-ari ng podcast.
Nadia Montenegro, kinumpirmang may anak sila ni Baron Geisler
Kinumpirma ni Nadia Montenegro noong Hulyo na si Baron Geisler ang ama ng kaniyang bunsong anak na si Sophia.
Ayon kay Nadia, inilayo niya noon si Sophia mula kay Baron, dahil may pangako umano si Baron kay Sophia na magkikita sila nang personal ngunit hindi tumupad ang aktor.
Hindi rin nagustuhan ni Nadia ang pagkuwento ni Baron sa isang interbyu na may isa pa siyang anak sa ibang babae.
Aiai Delas Alas at asawa, hiwalay na
Kinumpirma naman ni AiAi delas Alas sa "Fast Talk With Boy Abunda" noong Nobyembre na hiwalay na sila ng kaniyang asawang si Gerald Sibayan.
Inilahad ng aktres na ang hindi nila pagkakaroon ng anak ni Gerald ang isa sa mga dahilan ng pagwawakas ng 10 taon nilang pagsasama.
Reklamo ni Rita Daniela vs Archie Alemania
Sinampahan ni Rita Daniela ng reklamong act of lasciviousness si Archie Alemania nitong Oktubre matapos siyang halikan nang walang pahintulot, hawakan, at sabihan ng mga hindi magagandang salita ng aktor.
Nangyari ang insidente noong Setyembre matapos siyang dumalo sa isang Thanksgiving party.
Nagsumite na si Archie ng kaniyang counter-affidavit at itinanggi ang reklamong inihain laban sa kaniya ni Rita.
Sumagot ang kampo ni Rita, na sinabing ilan sa mga bahagi ng counter-affidavit ni Archie ay mistulang pagkumpirma sa inihaing reklamo ng aktres.
Neri Naig, inaresto dahil umano sa estafa
Inaresto si Neri Naig-Miranda dahil sa estafa umano at paglabag sa Securities Regulation Code sa basement ng isang convention center sa loob ng isang Pasay City mall noong Nobyembre.
Ang aktres ay endorser at franchisee ng Dermacare, na nahaharap din sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code.
Kasunod ng pag-aresto kay Neri, idinetine ang aktres sa Pasay City Jail Female Dormitory, ngunit dinala kinalaunan sa ospital para sa medikal na pagsusuri.
Nakatakda sana siyang ibalik sa kaniyang detention cell. Gayunman, sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology na hindi na siya ibabalik sa Pasay City Jail matapos ang utos ng korte na pakawalan na siya.
Sandro Muhlach vs 2 independent contractor
Nagsampa ng reklamong pang-aabuso ang aktor na si Sandro Muhlach laban sa dalawang independent contractor ng GMA na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Iginiit naman ng dalawa na hindi totoo ang bintang laban sa kanila, at sinabi nilang hindi sinasalamin ng mga alegasyon ang tunay umanong nangyari.
Inilahad ni Sandro ang ilan sa mga pangyayari sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information, at kinumpirma ang palitan nila ng text messages ni Nones noong madaling araw nang mangyari ang insidente, na nagsabi umano sa kaniya na may mga kasamang "drama people" sa kuwarto.
Sabi pa ng aktor, nakainom na umano sina Nones at Cruz nang makita niya. Pinainom siya ng wine at may "ipinasinghot" ang dalawa, bago siya hinila umano sa kama at dito na ginawa ang kahalayan umano.
Kinasuhan na ng Department of Justice sina Nones at Cruz dahil sa rape umano kay Sandro, bagay na iaapela ng dalawa.
Pagtataksil umano ni Anthony sa GF na si Jamela na dawit si Maris
Sa pamamagitan ng Instagram Stories, ibinunyag ni Jamela Villanueva, dating nobya ng aktor na si Anthony Jennings, ang ginawa umanong pagtataksil sa kaniya ng aktor, at dawit sa isyu ang aktres na si Maris Racal.
Sa mga screenshot ni Jamela, nakita ang palitan ng mensahe nina Maris at Anthony. Nakasaad din sa mensahe ang paalala ng aktres sa aktor na dapat nilang burahin ang mga mensahe.
Ayon pa kay Jamela, ipinaliliwanag sa kaniya ni Anthony na bahagi lamang ng "method acting" ang pagpapakita nito ng pagmamahal at paghanga kay Maris dahil may pinagdadaanan ang aktres. Patuloy na nag-usap ang dalawa at nagtiwala si Jamela at hinayaan niya lamang ito.
Ngunit natuklasan umano ni Jamela ang pagsisinungaling ni Anthony.
Kasunod ng mga rebelasyon ni Jamela, humingi si Maris ng tawad sa kaniyang mga nagawa, ngunit iginiit na makailang ulit niyang tinanong si Anthony kung single ito at hiwalay na kay Jamela.
Hiniling din ni Maris kay Anthony na maglabas ng statement sa publiko tungkol sa hiwalayan nila ni Jamela, hanggang sa malaman niyang may relasyon pa ang dalawa.
Humingi rin si Anthony ng tawad kina Jamela at Maris. -- FRJ, GMA Integrated News