Isang batang lalaki ang nasawi sa Talisay City sa Cebu matapos masabugan ng ilegal na paputok na "Goodbye Philippines." Dalawa pa ang nasawi dahil naman sa pagsilip sa paputok na hindi kaagad nagsindi pero biglang sumabog.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkoles, sinabing bukod sa 10-anyos na nasawi sa pagsabog ng "Goodbye Philippines," isang menor de edad pa ang kritikal ang kondisyon, at tatlong iba pa ang sugatan din na edad walo hanggang 17.
Nagtamo umano ng mga sugat sa dibdib ang nasawing biktima mula sa tumalsik na mga bato matapos na sumabog ang malakas na paputok, at napuruhan ang puso nito.
Ayon kay Josefina Concial, chairwoman ng Barangay Candulawan, batay sa nakalap nilang impormasyon, isang lalaki ang may dala ng mga ilegal na paputok na sinindihan niya sa isang bakanteng lote.
"May lalaki na nagpaputok mula sa Bulacao, Cruzan, tatlong firecraker ang pumutok yung isa hindi pumutok. Yung isang hindi pumutok, dinala ng mga bata sa kanila. Sa kung anong kadahilan parang pinukpok o ano, sumabog," sabi ni Concial.
Nakikipag-ugnayan na umano sila sa pulisya ng Talisay para matunton kung sino ang lalaki na may dala ng ilegal na paputok.
Sa bayan naman ng Asturias sa Cebu pa rin, isang lalaki ang nasawi nang masabukan naman ng "bombshell."
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hindi sumindi ang naturang paputok kaya nilapitan umano ito ng biktima upang silipin nang biglang sumabog sa kaniyang mukha.
Ganito rin umano ang nangyari sa isang lalaki sa Dagupan City sa Pangasinan na nasawi rin matapos magtamo ng pinsala sa mukha at may pinsala rin sa bungo na pinaniniwalaang nabagok.
Ayon sa mga saksi, gumawa ng improvised bombshell o tubo ang lalaki sa tapat ng nirerentahan niyang bahay at doon inilalagay ang mga paputok na five-star.
Pero hindi umano nagsindi ang inilagay nitong mga paputok kaya niya sinilip, at doon naman bigla ring sumabog.
Nadala pa sa ospital ang biktima pero namatay din kinalaunan.
May naitala nang apat na nasawi dahil sa paputok na dalawa sa Cebu, isa sa Pangasinan, at isa sa Nueva Ecija. -- FRJ, GMA Integrated News