Umabot sa kabuuang bilang na 340 ang nasugatan dahil sa paputok matapos na madagdagan ito ng 141 biktima sa mismong sandali sa pagsalubong sa 2025.
Ayon sa Department of Health, ang 141 na biktima ng paputok ay naitala sa pagitan ng 6 a.m. ng December 31, 2024 hanggang 5:59 a.m. ng January 1, 2025.
Mas mababa ito ng 64% kumpara sa mga naputukan sa kaparehong panahon sa pagsalubong at unang mga oras ng Enero 2024.
Sa kabuuan, mula sa December 22, 2024 hanggang January 1, 2025, umabot ang bilang ng mga naputukan sa 340, na mas mababa rin ng 34% kumpara sa 519 kaso na naitala sa kaparehong panoong noong 2024.
Ayon pa sa DOH, 202 na kaso ng naputukan ay sanhi ng mga ilegal na paputok gaya ng Boga, 5-Star, at Piccolo. Sa nasabing bilang, 186 sa mga naputukan ay gumagamit mismo ng mga naturang paputok.
Karamihan sa mga biktima ay lalaki (299), at nasa edad 19 pababa ang karamihan sa mga biktima (239).
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News Unang Balita, sinabing 24 na biktima ng mga paputok ang isinugod sa Tondo Medical Center, mula noong December 21. Karamihan sa kanila ay dinala sa ospital nitong hatinggabi ng pagpapalit ng taon.
May naitalang 83 kaso ng naputukan sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center mula December 21, saad naman sa ulat ni Bam Alegre.
Nagpaalala ang DOH sa publiko na huwag pulutin ang mga paputok na hindi sumabog. Mas mabuti ring buhusan umano ito ng tubig at linisin ang paligid.
Hindi rin umano dapat balewalain ang maliit na sugat na tinamo mula sa paputok at magpakunsulta sa duktor. Ipinayo ng DOH na hugasan sabon at malinis na tubig ang sugat na tinamo mula sa paputok.
Dapat umanong magtungo agad sa mga health center o pinakamalapit na ospital ang mga biktima ng paputok. Maaari ding tumawag at humingi ng tulong sa emergency hotline na 911, o 1555 ng DOH. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News