Sinu-sino nga ba ang mga susuwertihin at posibleng maharap sa mga pagsubok o challenges ngayong 2025 na Year of the Snake? Alamin ang mga payo ng Feng Shui expert na si Johnson Manabat.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Miyerkules, sinabi ni Manabat na ang mga ipinanganak sa Year of the Rooster, Monkey at Horse ang top 3 na suwerte ngayong taon.
Habang ang mga ipinanganak sa Year of the Pig naman ang hindi masyadong susuwertihan at mahaharap sa mga pagsubok pero hindi naman umano dapat mangamba nang lubos.
SNAKE
Dahil taon ngayon ng mga Snake, sinabi ni Manabat na taon nila ngayon kung gusto nilang makatanggap ng recognition o mag-level up.
"Kapag sarili mong taon, maganda ang opportunities. Although malakas din ang conflict of energy. Kasi kung nasa stage ka na kilala ka at lahat nakatingin sa iyo, you are also prone sa mga peaple naman na naiinggit o puwedeng manira sa iyo," paliwanag niya.
"Kaya dapat hindi padalos-dalos sa desisyon," payo pa niya.
RAT
Ayon kay Manabat, maganda ang 2025 para sa mga tao na ipinanganak sa Year of the Rat.
"I-push nila ang goals nila o target nila for the year. Kasi malakas yung power star nila, na kapag may gusto sila, puwedeng ma-create, puwedeng mangyari," saad niya.
Pero ipinayo rin ni Manabat na kailangang focus at mag-concentrate, at huwag pagsasabay-sabayain ang target goal.
OX
Dahil kaibigan umano ng Snake ang Ox, maituturing "network" year daw ang 2025, o may pagkakataon na maraming puwedeng tumulong.
"Although mababa ang energy ng Ox ngayon, specially in terms of health, 'yan kailangan medyo bantayan natin. Also dapat maging maingat lang tayo sa emotion," ayon kay Manabat, dahil maaari umanong makaapekto sa desisyon ang emosyon.
TIGER
Maganda rin umano sa mga isinilang sa Year of the Tiger ang network and connections sa 2025. Gayunman, magkakaroon umano ng mga pagsubok sa kanila ngayong taon.
"Need to be careful also in terms of health, robbers, cheaters, swindlers, mga ganoon," paalala ni Manabat.
Hindi raw maganda ngayon taon para pumasok sila sa mga tinatawag na high risk transactions. Kaya makabubuting raw na maging kalkulado at konserbatibo sa mga desisyon.
RABBIT
Kung career luck ang pag uusapan, sinabi ni Manabat na very powerful ang career ng mga Rabbit ngayon. May senyales umano ng power, promotion or recognition.
"This is also the year to shine, but the problem lang is health. Kasi the more na mas sikat, maraming puwedeng gawin, mas mabilis silang mapagod, " paalala ni Manabat. "Kailangan life balance, napaka-importante."
DRAGON
Kabilang naman ang Dragon sa top 5 animal signs ngayong 2025. Ayon kay Manabat, kilala ang mga Dragon na hindi tumatanggap ng malas at laging positive ang kanilang pananaw.
"Kaya this year, kung maraming good opportunities, puwedeng lumapit sa Dragon. If you have the right mindset, positive emotion, makukuha mo siya," ani Manabat.
SHEEP
Para sa mga ipinanganak sa taon ng mga Tupa, sinabi ni Manabat na achivement year sa kanila ang 2025.
"Maraming productivity, maraming achivements na maaaring makuha. Lalo na ang wealth star nasa kanila rin, so money star 'yon," ayon kay Manabat, na ginawang halimbawa ang sales at financial investment.
Ngunit kailangan umanong maging maingat sila sa trust issue at health, lalo na sa gastro.
MONKEY
Nasa top 3 animal signs ngayong 2025 ang mga Monkey, na best friend umano ng Snake.
"So this year siyempre network connection, siyempre kung kaibigan mo yung taon, ikaw yung nilalapitan ng opportunities, ikaw yung nilalapitan din ng suwerte," patuloy ni Manabat.
"Ang importante lang sa Monkey, you be more decisive. Kasi mamaya ang daming lumapit hindi ka makapag-decide, natapos yung taon wala kang nagawa. At kailangan talaga may target goal ka," payo ng eksperto.
ROOSTER
Ayon kay Manabat, number one animal sign ngayong 2025 ang Rooster, na kaibigan din ng Snake kaya powerful siya sa network at connection.
"It's the year sa expansion, it's the year na kapag mayroon kang gusto, i-push mo talaga siya. Although malakas ang conflict like inggit, naninira, huwag na nating masyadong pansinin. Dapat matuto lang tayong mag-dedma," payo niya.
DOG
Maganda rin umano ang taon para sa mga isinilang sa Year of the Dog dahil may mga mentor at adviser na makakatulong sa kanila. Pero dapat din umano silang maging maingat sa emotion gaya ng pag-handle sa temper o init ng ulo.
"Mas mabilis uminit ang ulo nila this year," ani Manabat na ipinaliwanag na sobrang analytical thinker ang mga Dog kaya nag-o-over anticipate sila sa puwedeng mangyari.
"That's where emotions came in. Kasi puwedeng maging frustration siya o fear," dagdag niya.
PIG
Maaaring marami umano ang maalarma dahil kilalang kalaban ng Snake ang Pig na makakaharap ng mga pagsubok ngayong taon. Pero paliwanag ni Manabat, walang taong malas.
"Kapag sinabi mong challenging year, baka mayroong mga pagsubok like changes, transformation," paliwanag niya. "Tibayan niyo lang ang emotions niyo kasi sometimes through transformation and changes, baka lalo kayong makakakuha ng much better opportunities," paliwanag niya.
Ayon pa kay Manabat, very emotional people at very emotional driven ang mga isinilang sa Year of the Pig. -- FRJ, GMA Integrated News