Isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang sugatan matapos lumusot ang isang ligaw na bala sa bubong ng kaniyang bahay sa Tukuran, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Martes, sinabing ang insidente ay isa sa apat na stray bullet incidents na naitala ng Philippine National Police sa buong bansa mula Disyembre 16.
Patuloy ang imbestigasyon sa may-ari ng baril kung saan nanggaling ang mga ligaw na bala.
Samantala, sugatan ang apat na katao sa indiscriminate discharge of firearms sa buong bansa hanggang nitong Martes, habang 13 ang dinakip, kasama ang isang pulis.
"Kabilin-bilinan sa ating mga pulis na huwag na huwag nilang gagamitin ang kanilang mga service firearms sa anumang selebrasyon. Dapat nakatuon ang kanilang pansin sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin," sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo.
Ang Firearms Identification Division ng Forensic Group ng PNP ang pangunahing nag-iimbestiga sa mga insidente ng ligaw na bala, kung saan isinasalang sa forensic examination ang mga nare-rekober na ebidensya.
Ang mga bala ay mayroon ding "fingerprint," gaya ng mga tao. Kapag ipinutok ang baril, nag-iiwan ng kakaibang marka ang barrel sa lalabas na bala.
Marami na umanong natukoy ang forensic group na mga suspek sa mga insidente ng ligaw na bala gamit ang kanilang ballistics identification system.
Nagbabala ang forensic group sa mga gagamit ng baril, lalo sa mga sasalubong sa Bagong Taon na pigilan ang kati ng daliri dahil may makabagong paraan na para sila ay matukoy. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News