Nailigtas ang isang lalaki matapos siyang pumasok sa isang manhole at gumapang ng 30 metro umano sa ilalim ng lupa sa Minglanilla, Cebu. Ang lalaki, sinabing may gustong pumatay sa kaniya kaya siya nagtago.
 
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din ng GMA News Feed, makikita sa isang video ang pagkakagulo ng mga tao sa isang sementadong manhole sa gilid ng isang footbridge sa nasabing munisipyo.
 
Sinabi ng mga awtoridad na rumesponde ang mga taga-MDRRMO at Minglanilla Traffic Command matapos makita ng ilang residente ang tila kamay ng isang tao na lumabas sa butas katabi ng takip ng manhole.
 
Ipinaalam nila ito sa kapitan ng barangay, na siyang tumawag ng mga rescuer.
 
Pagkaalis sa kongkretong takip, bumungad sa kanila ang lalaki na nasa loob.
 
Nasa maayos siyang kondisyon, at kalmadong nakipag-usap sa mga rescuer at mga residente.
 
Binigyan ng maiinom ang lalaki habang kinukuhanan ng impormasyon.
 
Sinabi ng lalaki, na nasa 30 ang edad, na taga-Talisay City, Cebu siya at pumasok sa manhole dahil may gusto umanong pumatay sa kaniya.
 
Doon siya nagtago at gumapang ng 30 metro bago siya nakita at nasagip.
 
Ipinasuri ang lalaki sa isang doktor para matiyak ang kondisyon ng kaniyang kalusugan.
 
Base sa pagsusuri ng doktor, tila wala sa tamang pag-iisip ang lalaki, na dadaan pa sa karagdagang pagsusuri upang matukoy ang mga nararapat na tulong para sa kaniya. —VBL, GMA Integrated News