Pinatunayan ng isang babae sa California, USA na may pera sa basura dahil sa dami ng mga gamit at pagkain na nakukuha niya sa mga basurahan gayung puwede pang pakinabangan. Alamin kung paano niya nagagamit sa makabuluhang paraan ang mga nakukuha niyang mga produkto.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing naging tambay sa mga trash bins ng malalaking tindahan sa California ang truck driver na si Veronica Moyer nang mapasama sa kaibigan na pagda-dumpster diving.
Namangha raw si Veronica sa mga bagay na nakukuha niya sa mga basurahan kaya nawili na siya mula noon at naging hobby na niya.
Katunayan, tinatayang aabot umano sa katumbas na P260,000 ang halaga ng mga produktong nakukuha niya sa basurahan dahil sa dami at uri ng mga ito.
Puwede na nga raw na ipangregalo ngayong Pasko ang ibang produkto na mamahalin.
Ayon kay Veronica, tatlong beses sa isang linggo kung magkakalkal sila ng kanyang kaibigan ng mga basurahan para makakuha ng items na puwede pang pakinabangan.
“So many people cannot even afford to put food on the table for their children. There are homeless people outside of grocery stores that need food and this is what is in the dumpster at the back of your local grocery store,” ani Veronica.
Inaabot daw sila nang hanggang pitong oras sa pagkalkal sa trash bins ng malalaking tindahan.
Mula diyan, nakakakuha sila ng mga damit, libro, pagkain at iba pang mga produkto na puwedeng pakinabangan.
Ang kanilang mga nakuhang items mula sa ilang buwang dumpster diving, may halagang umaabot sa £4,000 o katumbas ng mahigit P269,000.
Idino-donate naman nila ang mga item sa mga homeless, pet shelters, care homes, at mga institusyong nangangalaga sa mga nangangailangan.
“People call me dirty. Some people are just not kind… We give books and magazines to care homes for residents to read. We found heavy kids coats which we went to give to homeless people ourselves. They're just thankful,” ani Veronica. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News