Susubukang makipag-ugnayan ng isang psychic medium sa diumano’y espiritung naninirahan sa pinakaluma at makasaysayang gusali sa Manila gamit ang mga manika o "spirited dolls."
Dapat nga bang katakutan ang mga espiritu? Gaano kadelikado ang makipag-ugnay sa mga ito? Alamin.
Sa kwento ni Nico Waje sa programang “Brigada”, sinabing nagtungo si Jill Andrea Gepilano at kaniyang kasama sa Manila Central Post Office para malaman kung bakit nananatili pa rito ang mga espiritu, maging kung bakit nila napili ang lugar.
Kung matatandaan, si Jill ay may mga manika na galing pa sa United Kingdom at nagkakahalaga mula P15,000 – P20,000 ang kada piraso.
Pero hindi pinaglalaruan ni Jill ang mga manika dahil ang bawat isa ay naglalaman diumano ng mga espiritu.
Sa ngayon, susubukan nilang imbitahan ang mga espiritung naninirahan umano sa gusali.
“Ang gagawin po namin ay gagawa kami ng isang protective circle that will lead them to us and enable us to communicate with them,” saad ni Coco Santos, isang psychic medium.
“Depende po kung anong klaseng spirit ang papasok. Possibly [may alam] din sila sa kasaysayan ng gusali kaya they choose to reside here. There’s possibly a connection kung bakit sila nandito,” dagdag naman ni Jill.
Para sa gagawing ritwal, kasama nila Jill ang kaniyang manikang si Bell upang maging gabay at makausap ang mga espiritu na nais magbahagi ng kanilang nakaraan.
“We’re going to set up a ring of salt and light some candles to guide the spirits. And then we’re going to use water and lights to scry for the spirits,” ani Coco.
Habang ginagawa ng grupo nila Jill ang ritwal, bigla na lang lumiyab ng malakas ang kandila.
Indikasyon daw ito na mayroon ng espiritu na pumasok sa manika at handa ng makipag usap sa kanila.
“Siya ‘yung nag-call sa atin. Kahit hindi pa namin officially binubuksan, ‘yun nga wala pa kaming salt kanina, agad-agad binuksan niya agad. Sabi niya ‘ako gusto kong makipagusap agad,” sambit ni Jill.
Maya-maya pa, sinimulan na nila itong kausapin.
Ano kaya ang madidiskubre nila Jill sa espiritung naninirahan sa Manila Post Office? Bakit ito nanatili sa gusali? Anong mensahe ang gusto nitong iparating? Tunghayan sa video ng Brigada. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News