Nakaramdam ng matinding kilabot ang isang makeup content creator nang makita niya ang kaniyang ini-edit na video na tila may anino o buhok na dumaan sa kaniyang likuran.
Sa programang "iJuander," sinabi ni Alexis Amodia na nangyari ang nakapanindig-balahibong karanasan niya sa loob ng kaniyang kuwarto na dalawang buwan niyang hindi nagamit.
“During that process na nagre-record ako may narinig akong umiyak na bata. 'Di ko na lang pinapansin kasi 'di ko gustong mag-overthink. A few minutes, tumatayo na ‘yung balahibo ko. Napa-paranoid na ako baka may something talaga dito kasi almost 2 month akong 'di nakatulog dito,” sabi ni Alexis.
Ngunit hindi raw iyon ang unang beses na may kakaibang nangyayari sa kaniyang kuwarto na napansin mismo ng kaniyang ina.
Kuwento ng ina ni Alexis na si Dionita, kusa raw bumubukas ang ilaw sa kuwarto noong hindi natutulog doon ang anak. Minsan ay may naririnig din daw sila na tila yabag ng taong naglalakad sa loob.
“Parang may tao, wala naman si Alexis. Tapos yung pinto naka-lock. Parang may gumagalaw, may nagsasalita pero walang tao,” sabi niya.
Tiniis ni Alexis ang takot at natulog pa rin sa kuwarto ng ilang araw. Ngunit nang muling magpakita umano sa kaniya ang misteryosong babae, pansamantala muna siyang nanirahan sa bahay ng kaniyang Ate Joan.
Ang kuya naman niyang si Philmore ang pumalit sa kaniyang kuwarto. Ngunit maging ito, hindi raw nakaligtas sa pagpaparamdam ng elemento.
Ang una raw nakakita sa mahiwagang babae ay si Lloyd Quilongquilong, isa sa mga animator sa animation studios na nasa kanilang bahay.
“May bumubulong sa akin na ‘lumingon ka doon’. Lumingon ako sa left ko, pagkatapos noon is may nakita akong black na babae na nakatayo sa may noo ni sir,” ani Lloyd tungkol kay Philmore.
Noong gabi ng araw na iyon, nakaranas si Philmore ng sleep paralysis.
“Palagi akong may na-feel. Kung matutulog ako, parang bangungot. Palagi na lang may tatabi sa akin,” sabi niya.
Dahil sa takot, inaya ni Philmore ang isa pang animator na si Nathaniel Lipunga na doon na rin matulog sa kuwarto. Ngunit katulad ng iba, ginambala rin daw siya ng mahiwagang babae.
“May hinihila sa akin na parang itim na babae. Gusto niya akong palabasin sa kuwarto kasi parang mensahe niya bakit doon ako natulog,” saad niya.
Ayon sa panganay na kapatid ni Alexis na si Alan, matagal na umanong may nagpaparamdam sa lugar. Kahit noong si Joan pa ang naninirahan doon ay iba't ibang kuwentong katatakutan na ang kanilang naranasan.
Isa raw dito ay nang minsang may tumabi sa kaniyang babae habang siya ay natutulog at bigla na lamang nawala.
Limang beses na umanong pina-bless ang bahay ng mga Amodia dahil sa pagpaparamdam ng nasabing elemento. Ngunit na imbis na mawala, mas lalo raw tumindi ang pagkagambala nito.
Hinala ng mga pamilya, konektado ang mga nakakatakot na pangyayari sa simbahan na pinagdadalhan ng patay na katabi ng kanilang bahay.
Sa tulong ng Cebu Ghost Hunters Philippines, susubukan na alamin kung ano at sino ang mahiwagang babae na nagpaparamdam sa bahay.
Gamit ang flash balls at spirit box, nakipag-usap ang grupo ni Elgie Oberes sa babae na nagpakilalang isa siyang "diablo."
Hindi naman itinatanggi ng Simbahang Katolika ang pagkakaroon ng mga diyablo. Ngunit kinakailangan daw muna nilang masuri ang sitwasyon ng pamilya ni Alexis.
“Kahit sa Bible, naririnig natin 'yan. Hindi naman ikinakaila ng Simbahan na mayroong mga ganitong nilalang,” sabi ni Nuestra Señora dela Soledad Parish Administrator Rev. Fr. Douglas Badong.
Ipinasuri naman ng iJuander ang video ni Alexis sa isang photo and video expert.
“Di ko makita ang katotohanan na mayroon itong multo o anumang elemento na sinasabi nila. Unang-una sa lahat, napakababaw pa ng pagkakaimbestiga natin dito. Kung ano man, bagay man o bata o tao… Kung titingnan lang kasi natin sa video lang na ito, 'di natin masasabi,” sabi ni Charles Ong.
Ayon naman sa cultural anthropologist na si Prof. Nestor Castro, PHD, naniniwala ang mga Pilipino na maraming pagpaparamdam sa mga simbahan at sementeryo dahil sa konsepto ng “hawa” sa mga lugar.
“‘Yung mga lugar na ito lahing may dinadala na patay. At para sa atin ang patay ay dinadala ring kamalasan. Tayo kasi may konsepto ng hawa. Ganun din ang mga lugar na pinaglalagakan ng patay, maaring mahawa sa palibot nitong mga lugar,” sabi niya.
Sinang-ayunan naman ito ni Badong na sinabing: “Dahil tabi ng sementeryo, marami talagang patay don. Pero di ibig sabihin ay malas, nakakatakot o may nagmumulto. Sa atin kasi sa pananampalatayang Katoliko, ‘pag ang isang tao namatay na, aakyat na ito sa langit.” -- FRJ, GMA News