Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaking may nararamdaman umanong sakit sa gilid ng kalsada sa Rosario, Cavite.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, lumabas sa imbestigasyon na sumakay ng mini bus ang biktima mula sa Cavite City patungong bayan ng Rosario.

Kalaunan, napansin ng bus driver na may nararamdamang sakit ang lalaki kaya niya ito ibinaba sa tapat ng munisipyo upang magpatingin sa klinika roon.

Gayunman, agad na umalis ang lalaki kahit hindi pa natitingnan ng doktor.

Sunod nang namataan ang lalaki na wala nang buhay sa gilid ng kalsada at may dugo sa mukha.

Hinihinalang sumuka ng dugo ang lalaki.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News