Isa ang nasawi at pitong iba ang nasugatan nang magliyab at sumabog sa labas ng Trump Hotel Las Vegas nitong Miyerkules ang isang g Tesla Cybertruck.

Sa ulat ng Reuters, sinabing kasama sa isinasagawang imbestigasyon ang posibleng terrorist act sa nangyari sa cybertruck na produkto ng kompanya ni Elon Musk, na tagasuporta ni US president-elect Donald Trump.

Sa press conference, sinabi ni Las Vegas Metropolitan Police Department Sheriff Kevin McMahill, na natagpuan ang isang patay na tao sa loob ng 2024 model na cybertruck, habang bahagyang nasugatan ang pitong iba pa dahil sa nagkaroon ito ng pagsabog.

Sinabi ni Musk, CEO ng Tesla, na nagsasagawa ng imbestigasyon ang kompanya sa insidente na ngayon lang umano nangyari.

"The whole Tesla senior team is investigating this matter right now," saad niya sa post sa X. "We’ve never seen anything like this."

Ayon kay McMahill, tumigil ang cybertruck sa harap ng Trump building dakong 8:40 am. Sinabi ng opisyal na nag-iingat ang mga awtoridad dahil na rin sa nangyaring pag-atake sa New Orleans noong madaling araw ng Miyerkules.

Inihayag ng FBI, na isang posibleng explosive device ang nakita sa sasakyan na maaaring ginamit sa naturang "pag-atake."

"As you can imagine with an explosion here on iconic Las Vegas Boulevard, we are taking all the precautions that we need to take to keep our community safe. We're looking for secondary devices," ani McMahill, at idinagdag na wala nang iba pang banta na nakikita sa komunidad.

Nag-post din sa X si Eric Trump, executive vice president ng Trump Organization at anak ni president-elect Donald Trump, tungkol sa insidente. "Earlier today, a reported electric vehicle fire occurred in the porte cochère of Trump Las Vegas,"

Noong 2024, sinimulan ng U.S. National Transportation Safety Board ang isang imbestigasyon hinggil sa isang aksidente at pagkasunog ng isang Tesla electric semi-truck sa isang highway sa California.

Ayon sa mga auto experts, ang pagkasunog sa mga electric vehicle ay naiiba sa pagkasunog ng mga sasakyan na may internal combustion engine. Kadalasan umano mas matagal at mas mahirap itong apulahin. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News