Iginawad sa isang Japanese ang titulo bilang pinakamatandang lalaki na nabubuhay sa mundo matapos pumanaw ngayon taon ang dating may hawak sa titulo na mula sa Spain.

Sa ulat ng Reuters, sinabing ibinigay ng Guinness World Records ang titulo kay Masazo Nonaka, 112-anyos, bilang living oldest male sa mundo.

Isinilang siya noong July 25, 1905, ilang buwan bago ilathala ni Albert Einstein ang kaniyang "theory of special relativity."

Ang naturang titulo ay dating hawak ni Francisco Nunez Olivera ng Spain, na pumanaw ngayon taon sa edad na 113.

Si Nonaka ay isang dating magsasaka at nagtotroso noong kaniyang kabataan.
Kinalaunan ay nagkaroon siya ng hot spring inn sa Ashoro, Hokkaido.

Minsan na rin hinawakan ng isang Japanese na si Jiroemon Kimura, ang naturang titulo na nabuhay sa edad ng mahigit 116 bago pumanaw noong 2013.-- Reuters/FRJ, GMA News