Pinagbabaril at napatay sa labas ng isang paaralan sa Davao City ang isang ama na manunundo sana sa kaniyang anak.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ken Roger Pisa, 36-anyos, na kaagad nasawi sa pinangyarihan ng krimen sa Barangay Bago Gallera.

Ayon sa pulisya, kabababa lang ng biktima mula sa minamaneho nitong tricycle nang pagbabarilin siya sa tapat mismo ng paaralan.

Tumakas umano ang salarin sakay ng naghihintay na motorsiklo.

Hinala ng misis ng biktima na umiiyak na napasugod sa crime scene, posibleng ang kapitbahay na inireklamo nila sa barangay ang nasa likod ng krimen.

”Gipakaulawan mi niya sa online… gi-post niya akong anak, gi-captionan og way ayo nga caption… ang gusto nako, makig-istorya pero di siya, silingan ra mi ma’am maong gipabarangay nako, way sipot sipot… kinsa man lain nako i-suspect, siya! Wala nay kalaban akong bana,” umiiyak na pahayag ng ginang.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, at motibo sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News