Comatose ngayon sa ospital ang isang lalaking overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia matapos na makitang duguan at walang malay sa kalsada na malapit lang sa kaniyang tinitirhan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jayson Calope, na isang barista sa KSA.
Ayon sa kapatid ni Jayson, ikinuwento ng kapuwa-OFW ng biktima ang nakita nito sa CCTV footage tungkol sa nangyari.
“Nakita daw na tumalon yung kapatid ko kasi nanlaban, kasi gustong kumawala. Wala po yung wallet at cellphone. Tsaka yung malalang tama niya po sa ulo…tapos sinakal daw po,” ayon kay Louie Jay Calope.
Ang tiyahin na si Elsa Morabe, inilarawan na masayahin, palakaibigan at hindi barumbado ang biktima. Hindi nila matanggap ang sinapit nito.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), batay sa nakalap nilang paunang impormasyon mula sa agency sa KSA, aksidente umanong nahulog mula sa umaandar na sasakyan si Jayson.
Pero patuloy daw silang nangangalap ng ibang detalye ang OWWA mula sa awtoridad sa KSA.
“Ini-imbestigahan pa po. Hinihintay natin yun police report kung ano talaga yung nangyari…Nung una siyang isinugod, brain dead siya. Pinasok siya sa ICU and then he was successfully operated,” sabi ni OWWA Operation Center Director II Atty. Sherilyn Malonzo.
Tiniyak ng OWWA na tutulungan nila si Jayson sa emergency repatriation. Magkakaloob din umano ito ng medical assistance sa OFW, at maging ang tulong na kailangan ng kaniyang pamilya.—FRJ, GMA Integrated News