Pinayuhan ni Senate President Francis "Chiz" Escudero si Senador Ronald "Bato" dela Rosa na hindi siya ang dapat manguna plano nitong imbestigahan ang war on drugs ng administrasyong Duterte. Hirit naman ni Senadora Risa Hontiveros, buuin ang Senate Committee of the Whole para sa gagawing imbestigasyon.
Sa ambush interview sa Sorsogon City, hiningan ng mga mamamahayag ng reaksiyon si Escudero tungkol sa pahayag ni Hontiveros na ang Committee of the Whole ang dapat magsiyasat sa nangyaring madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.
"Well haharapin namin 'yan sa susunod na mga araw, kokonsultahin ko ang ibang mga miyembro. Pero nakausap ko na si Senator Bato kaugnay niyan at ang sinabi ko sa kanya, anumang imbestigasyon na nais niya't patungkol sa kanya mismo at kay Senator (Bong) Go, mas maganda siguro kung hindi sila manguna ng komiteng 'yun para walang alegasyon na ito ay personal at hindi impartial at hindi fair," paliwanag ni Escudero.
Naging hepe ng PNP si Dela Rosa noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang ipagtupad ang war on drugs. Siya ang pinuno ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs .
Sa Senate Committee of the Whole, ang Senate President na si Escudero ang magiging tagapangulo ng imbestigasyon.
Una rito, sinabi ni Dela Rosa na magsasagawa siya ng motu proprio investigation sa war on drugs at kasama si Duterte sa mga iimbitahan niya.
May hiwalay na imbestigasyon na ginagawa ang House Quad Committee (na binubuo ng apat na komite) kaugnay sa dami ng namatay sa war on drugs at ilegal na operasyon ng POGO.
Sa radio interview, sinabi ni Hontiveros na iminungkahi niya sa liderato ng Senado na magkaroon ng Senate Committee of the Whole na buong Senado ang mag-iimbestiga sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
"Dahil sa pamamagitan niyang Senate Committee of the Whole, umaasa ako na mas panatag at mas maieengganyo rin na sumali at tumestigo ang victim survivors ng war on drugs. Dapat marinig natin sila para malaman natin ang buong katotohanan," ayon sa senadora. -- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News