Pambira ang nangyari sa isang babae sa Surat, India na himalang walang pinsalang tinamo sa katawan kahit pa nabagsakan siya ng isang malaking tangke ng tubig.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na naglalakad ang babae nang mahulog ang tangke mula sa itaas ng isang bahay.

Mabuti na lang na wala nang takip ang ilalim ng bahagi ng tangke na unang nahulog at doon na-shoot ang buong katawan ng babae.

Maya-maya lang, lumitaw na ang ulo ng babae sa butas ng tangke na nasa ibabaw at tila nagtataka sa nangyari.

Sumaklolo na rin ang mga kapitbahay na nakakita sa pangyayari.

Itinuturing nila na naglaroon ng "divine intervention" sa nangyaring aksidente kaya nakaligtas ang babae.

Napag-alaman na katatapos lang pala ng babae na magbigay ng prasadam o religious offering sa kanilang local deities.

Lumitaw na galing ang tangke sa terrace ng isang bahay na kinukuha noon ng scrap collector nang mahulog ito.--  FRJ, GMA Integrated News