Inihayag ni Nadine Samonte na wala siyang naramdamang "tampo" sa GMA Network dahil sa aberya sa GMA Gala guest list noong July na nawala ang kaniyang pangalan. Natatawa niyang pag-amin, naging "maingay" pa nga ulit ang kaniyang pangalan dahil sa naturang insidente.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, tinanong si Nadine kung may tampo ba siya kasunod ng naturang insidente sa GMA Gala na nawala ang kaniyang pangalan sa mga bisita.
"No, actually no. Kasi in the first place they invited me, so wala sa'kin talaga. Sa'kin, kausap ko 'yung mom ko, sabi ng mom ko, just let it be. Maging positive ka pa ring tao," paliwanag ng aktres.
Nakipag-ugnayan din umano sa kaniya ang Sparkle GMA Artist Center matapos nito at tiniyak na hindi na iyon mauulit.
"I'm so happy kasi kung hindi din dahil dun sa news na 'yun, hindi rin naman magiging maingay 'yung pangalan ko, diba?," natatawa niyang pahayag.
"OK, naisip ko rin, there's always a reason for everything talaga. And I'm very happy with my Sparkle family, I'm so happy with them and also with GMA," patuloy ni Nadine.
Muling magbabalik sa telebisyon si Nadine sa upcoming drama series na "Forever Young," kasama ang award-winning Kapuso child actor na si Euwenn Mikaell.
Sa naturang panayam, inamin ni Nadine na may ilang regrets din siya nang mawala sa showbiz, pero masaya raw siya kung nasaan siya ngayon.
"Sana I did more, but — there's always a but — but I'm very proud of where you are now," saad ng aktres na nagsabi sa kaniyang younger self na, "Siyempre may mga regrets na sana ganiyan, sana ganiyan, pero kasi pag nangyari 'yun, hindi magiging ganito ngayon."
Ang "Forever Young" ay istorya ni Rambo Agapito (gagampanan ni Euwenn), na isang 25-anyos na lalaki na nasa katawan ng isang 10-taong-gulang na bata dahil sa medical condition na hypopituitarism.
Kakandidato si Rambo bilang alkalde ng isang maliit na lungsod.
Bukod kina Nadine at Euwenn, kasama sa serye sina Eula Valdez, Michael De Mesa, Alfred Vargas, Rafael Rosell, Matt Lozano, Althea Ablan, Abdul Rahman, Princess Aliyah, Bryce Eusebio, at marami pang iba.
Sa direksyon ni Gil Tejada Jr., mapapanood ang "Forever Young" sa GMA Afternoon Prime simula sa October 21, mula Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4 p.m. pagkatapos ng "Shining Inheritance." -- FRJ, GMA Integrated News