Makikita ang matinding kasiyahan ni Bea Alonzo sa inihandang sorpresa ng "Widows' War" family para sa kaniyang kaarawan sa set ng Kapuso primetime series.

Sa kaniyang Instagram Stories, ibinahagi ng Kapuso actress ang video clips sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan sa set ng serye habang inaawitan siya ng cast members ng "Happy Birthday."

Makikita sa video na dumating si Bea sa lugar na may mga dekorasyon at mga handa, at naghihintay sa kaniya ang cast at crew ng "Widows' War."

"Salamat sa pagmamahal, Widows' War family! Mahal ko kayo," saad ni Bea, na nagdiwang ng kaniyang ika-37 taong kaarawan nitong Huwebes.

Makikita sa video si Jean Garcia na kasamang bumati kay Bea, habang tumutugtog ng gitara si Jeric Gonzales.

 

 

Ginagampanan ni Bea sa mystery-murder-series ang karakter ni Samantha Castillo-Palacios, kasama si Carla Abellana, bilang si Georgina Balay-Palacios.

Kasama rin sa serye sina Tonton Gutierrez, Rita Daniela, Rafael Rosell, Benjamin Alves, Lito Pimentel, Jackie Lou Blanco, Timmy Cruz, Royce Cabrera, Matthew Uy, James Graham, at marami pang iba.

Napapanood ang "Widows' War" mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Prime sa ganap na 8:50 p.m. pagkatapos ng "Pulang Araw." --FRJ, GMA Integrated News