Inaresto ng mga pulis ang isang 24-anyos na lalaking guro na matapos siyang ireklamo ng panggagahasa sa kaniyang menor de edad na babaeng estudyante sa loob mismo ng silid-aralan ng isang eskuwelahan sa Talugtog, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Jerick Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi umano ng pamilya ng biktima na nangyari ang panghahalay sa biktimang Grade 10 student noong gabi ng October 8, 2024.
Nagtungo umano sa paaralan ang biktima at iba pang estudyante dahil mayroong aktibidad. Ngunit nang lumalim na ang gabi, pinauwi ng guro ang mga estudyante maliban sa biktima na pinaiwan dahil mayroon umano itong problema sa grado na kailangang ayusin.
Pero nang dalawa lang sila sa silid-aralan, tinanggal umano ng guro ang koneksyon sa closed circuit television (CCTV), pinatay ang ilaw at isinagawa na ang pang-aabuso sa estudyante.
Nagpumiglas umano ang nanginginig na biktima pero wala na siyang nagawa dahil na rin sa takot.
"Hindi na niya nakuhang mag-react dahil sa kadahilanang nanigas ang kaniyang katawan dahil sa takot," sabi ni Police Captain Marius Maniego, officer-in-charge ng Talugtog Police Station, patungkol sa estudyante.
Matapos ang panghahalay, binantaan umano ng guro ang biktima na huwag magsusumbong kung ayaw na ibagsak siya sa klase.
Gayunman, napansin umano ng mga magulang na umiiyak ang biktima kaya tinanong nila ang dahilan.
Doon na umano nagtapat ang biktima tungkol sa ginawa ng guro. Kaagad silang nagsumbong sa pulisya at inaresto ang suspek sa bahay nito.
Ayon kay Maniego, nakadetine ngayon ang suspek na mahaharap sa kasong statutory rape.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek at ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News