Nilinaw ng Goto Tendon na hindi nila sinibak sa trabaho ang lalaking staff na nag-viral dahil sa pagbibigay niya ng pagkain sa aso. Ayon sa abogado ng kainan, maraming ginawang paglabag ang naturang empleyado at piniling mag-absence without leave (AWOL) sa totoo nitong kompanya na isang manpower agency.
Sa eksklusibong panayam sa GMA News Online nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Atty. Raymund Martelino, abogado ng Goto Tendon, na hindi direktang empleyado ng kompanya ang nag-viral na si Vhal Sardia. Sa halip, empleyado siya ng manpower agency na BestOptions, at nakadestino lamang sa Goto Tendon.
Ayon pa kay Martelino, may ilang taon nang food server doon si Sardia at maganda naman ang kaniyang performance. Ngunit nagbago umano ito sa mga nakaraang buwan dahil sa ginagawa nitong pagiging isang influencer o content creator na nagpapakain ng mga ligaw na aso at pusa.
Hindi rin umano unang pagkakataon na nagpakain ng mga ligaw na aso o pusa si Sardia sa nakitang viral video.
“So we don't really mind and we are actually supportive pa nga of this kind of hobbies or itong mga interest na ganito. The company does not really have any issues with respect to what our employees do on their personal time. Especially if itong involving animals. So the owners do not really mind,” sabi ni Martelino.
BASAHIN: Staff ng isang gotohan, hindi nagsisisi na pinakain niya ang isang aso kahit nawalan siya ng trabaho
Gayunman, nakasaad sa company discipline manual ng Goto Tendon na ipinagbabawal ang paglalabas ng pagkain mula sa restaurant at ang paggamit sa cellphone sa oras ng trabaho.
Taliwas ito sa sinabi ni Sardia sa panayam sa kaniya ng Good News ng GMA Public Affairs na, “Once ko lang po ginawa noong time na ‘yun na naka-uniform po ako.”
Nagpakita si Atty. Martelino ng CCTV footage ng Goto Tendon noong Setyembre 18 kung saan lumabas si Sardia nang nakauniporme at nagpakuha ng video sa guwardiya ng pagpapakain niya ng stray animal.
Paglabag umano iyon sa standard operating procedure na kailangang hubarin ng isang empleyado ang kaniyang apron at cap kapag naka-break.
Matapos nito, ibinulsa na niya ang kaniyang cellphone at nag-serve pa sa mga customer.
Ipinagpatuloy ni Sardia ang pagpapakain niya sa mga ligaw na hayop, sa kabila ng mga paalala ng kaniyang supervisor.
Salungat ito sa sinabi ni Sardia sa Good News na, “Wala pong ibinigay sa akin na warning na bawal nga po ‘yung ganoon.”
Bukod dito, ibinabahagi rin umano ni Sardia ang mga pag-uusap nila ng kaniyang supervisor sa group chat ng mga empleyado.
“So, merong verbal reminder sa kaniya ‘yung supervisor at pinagsasabihan siya. Notwithstanding these verbal reminders and corrective action by the supervisor tuloy pa rin si Mr. Sardia, which prompted the supervisor to report this to HR of Goto Tendon. So, ‘yung HR naman ng Goto Tendon referred the matter to his employer, the manpower agency,” paliwanag ng abogado.
“'Yung arrogance na ipapakita nu’ng kaniyang pagkilos. Hindi siya nakikinig doon sa kaniyang supervisor. Ginagawa niya kung ano 'yung gusto niya. Nagpapa-victim siya,” dagdag ni Martelino.
Nang matanggap ng BestOptions ang ulat tungkol sa mga aksiyon ni Sardia, inisyuhan siya ng notice to explain para hindi siya bigyan ng disciplinary action.
Salungat ito sa sinabi ni Sardia sa Good News na “Binibigyan na po kasi ako ng papel na pirmahan ko raw po na tatanggalin na po ako sa mismong kumpanya. Hindi po ako pumayag na pirmahan po ‘yon.”
Ayon kay Martelino, “Mali na kaagad 'yung sinasabi niya that he was not given any opportunity to be heard. And then, again, this also clarifies na hindi si Goto Tendon or hindi 'yung HR ng Goto Tendon or 'yung supervisor ng Goto Tendon ang nagpatawag sa kaniya.”
“Hindi rin totoo na tinerminate (terminate) siya because of feeding an animal. Ang issue rito is 'yung kaniyang insubordination, 'yung kaniyang attitude, at 'yung kaniyang unsanitary practice and behavior,” dagdag pa ng abogado.
Pagkatanggap ng notice to explain, tumugon sa pamamagitan ng sulat si Sardia.
“Ang sagot niya rito, inamin niya pa nga rito na nali-late siya dahil tinakbo niya daw 'yung pusa sa emergency. Tapos dito inamin din niya na nagpakain siya. Naka-duty. Naka-duty po siya. At nagpaalam daw siya,” sabi ni Martelino.
Dito na umano nag-alok ang BestOptions na ilipat siya sa ibang establisiyemento.
Gayunman, ayaw umano ni Sardia na lumabas na inalis siya sa Goto Tendon, kaya nagplano siyang mag-resign.
“Ang sabi niya, pinilit siyang sumulat. Hindi siya pinilit sumulat. Sumulat siya ng resignation letter. Ang ginagawa niya is he is resigning from his position as food server assigned to Goto Tendon,” ayon kay Martelino.
Gayunman, hindi agad inalis ng BestOptions si Sardia. Pero hindi na umano tinanggap ni Sardia ang kaniyang assignment at nag-AWOL na sa BestOptions.
“Patuloy ang kaniyang pag-post, patuloy ang kaniyang pagso-solicit online ng galit at pampapahiya sa Goto Tendon. Hindi nga 'yung employer niya 'yung tinitira niya dito kundi 'yung Goto Tendon,” sabi ng abogado.
Dagdag ni Martelino, napanood niya rin ang isang CCTV footage ng BestOptions na, “he was alone, he was in the building. He was free to leave.”
Naghain din umano si Sardia ng labor case laban sa Goto Tendon at BestOptions ng “illegal dismissal.”
Nagsagawa ng hearing sa pagitan nina Sardia at ng Goto Tendon at Best Options, at sinabi umano nito, “hindi pa raw niya alam. Hindi siya makapag-decide kung ano ang gusto niya.”
Sa panig ng BestOptions, sinabi nitong bibigyan si Sardia ng bagong assignment.
Dahil sa mga post umano ni Sardia, nakatatanggap ng mga batikos ang Goto Tendon at BestOptions mula sa netizens.
“Ang social media, wala tayong opportunity to defend ourselves. Sa mainstream media, ganoon na rin. Ganito lang 'yung platform natin. Ganito 'yung lumalabas na istorya at 'yung mga tao, meron nang preconceptions,” ayon kay Martelino.
Binigyang-diin ng abogado na, "Again, hindi ito about animals. Hindi ito about aspins. This is about 'yung company rules and regulations and the proper handling of food in food establishments.”
Sa kabila nito, wala pa sa plano ng Goto Tendon o BestOptions sa ngayon na ireklamo si Sardia.
“Nananalangin ako na sana ma-realize niya 'yung kaniyang pagkakamali, maintindihan niya na 'yung katotohanan lalabas ‘din ‘yan at lalabas,” sabi ni Martelino.
Sa viral post, mapanonood si Sardia na pinakakain ang isang aso na nakatambay sa labas ng kaniyang pinagtatrabahuhan.
Sinabi niya sa programang Good News, na noon pa man ay nag-aalaga at nagpapakain na talaga siya ng mga aso at pusa na kaniyang nakikita.
Kahit nawalan ng trabaho, hindi raw niya pinagsisihan ang kaniyang ginawa dahil pamilya ang turing niya sa mga aso at pusa.-- FRJ, GMA Integrated News