Gumastos ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte ng P16 milyon sa pagbabayad ng mga "safe house" noong 2022 mula sa confidential funds. Mas malaki naman ang inilaan niya sa pagbabayad sa mga safe house noong 2023 na umabot ng P37 milyon. Batay iyan sa isinumiteng accomplishment report ng OVP sa nabanggit na mga taon.
Sa pagpapatuloy na pagdinig ng House good government and public accountability committee nitong Huwebes tungkol sa paggamit ng OVP sa pondo, ipinakita ng Commission on Audit (COA) ang isinumiteng ulat mula sa OVP sa paggamit nito ng P125 million confidential funds noong 2022.
Kinumpirma ni Atty. Gloria Camora ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng COA, na nagbayad ang OVP ng P16 milyon para sa safe houses na may 34 na acknowledgement receipts na may mga petsang December 21 hanggang 31.
Pinuna ni Antipolo Representative Romeo Acop, dating police official, ang isang resibo na umabot sa P500,000 ang ibinayad sa isang safe house.
Ayon kay Camora, lumilitaw na gumastos ang OVP ng nasa P45,000 per day sa isang safe house.
Inusisa ni Acop si Camora ang detalye tungkol sa isang safe house para mabigyan ng katuwiran ang paggastos ng ganoong kalaking halaga. Pero walang naibigay na detalye ang COA.
Hindi kasama sa pondo ng OVP noong 2022 ang P125 milyon na confidential fund. Sa halip, inilabas ito ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa contingent fund ng opisina ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., matapos hilingin ng OVP.
Nang hingan ng komento ang OVP tungkol sa P16 milyon na gastos sa safe houses, tinukoy nito ang position paper na ipinadala ng OVP sa kapulungan na nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa pondo ng OVP.
“It becomes completely unnecessary for the Committee to belabor and pursue a legislative inquiry into the budget utilization and accomplishment of the Office because the data has already been provided during the budget deliberations in the Committee on Appropriations, and that further information needed may be verified through the COA,” ayo sa OVP.
“The absence of any legislative objective or outcome and the lack of clarity in the rules as to jurisdiction and power of the Committee, does not satisfy the requirements enshrined in Article VI, Section 21 of the Constitution on inquiries in aid of legislation. We therefore respectfully request the Committee to terminate its inquiry on the matter,” dagdag nito.
P37M sa 2023
Sa naturang pagdinig din, isinumite ni Camora sa komite ang accomplishment report ng OVP sa paggamit nito ng confidential fund noong 2023, kasama ang pagbabayad ng P37 milyon para sa mga safe house:
P16 million for 1st quarter (53 days)
P16 million for 2nd quarter (67 days), at
P5 million for 3rd quarter (79 days)
Tinanong ni Manila Rep. Ernesto Dionisio ang COA official kung kaduda-duda ba ang naturang gastusin.
“Isn’t it not suspicious or do you find it regular?,” tanong ni Dionisio.
Tugon ni Camora, “Personally, I find it medyo steep po siya, considering nga na 11 days lang po [noong 2022].”
Sinabi rin ni Camora na “slightly steep” ang ginawang pagbabayad ng P37 milyon sa mga safe house noong 2023.
Ayon kina Acop at Dionisio, kailangang amyendahan ang 2015 joint circular sa mga government agency tungkol sa paggamit ng confidential fund para maging malinaw kung papaano ito ginagastos ng mga ahensiya.
“There has to be a new law that we have to make to be able to check [the veracity of submitted documents] so that we can better protect the funds of the people,” ani Dionisio. —mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News