Nasawi dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan ang isang nurse sa Tagbilaran, Bohol. Ang suspek, isang pasyente na isang gunting ang ginamit sa karumal-dumal na krimen.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing lumitaw na imbestigasyon na nagalit umano ang pasyente dahil sa hindi raw magandang pagtrato sa kaniya ng biktima.
Papalabas na ng ospital ang pasyente nang may makita umano itong gunting at inundayan ng mga saksak ang nurse.
Isang empleyado rin na nagtangkang tumulong sa biktima ang nasugatan sa nangyaring insidente.
Nakikipagtungan naman ang ospital sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
“The unforeseen tragedy has deeply affected our community at CDG Bohol Doctors Hospital. We extend our heartfelt condolences to her family, friends, and colleagues at BoholDoc as we navigate this challenging time together,” ayon sa inilabas na pahayag ng CDG Bohol Doctors Hospital.
“As an organization committed to the highest standards of care and safety, we are conducting a thorough investigation into the circumstances surrounding this incident,” dagdag nito.
Naaresto naman ang suspek at nasa kustodiya ng pulisya. — FRJ, GMA Integrated News