Sa pambihirang pagkakataon, isang grupo ng mga dolphin ang nakitang gumagala sa Manila Bay nitong Miyerkoles ng umaga. Pero kaagad din silang itinaboy palayo dahil na rin sa peligro na maaaring abutin nila sa mga basura sa dagat.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nagulat ang mga tauhan ng Manila Maritime Police Station nang makitang lumalangoy malapit sa kanilang tanggapan ang grupo ng dolphins.

Sa pangambang hindi makaalis sa Manila bay ang mga dolphin, tumawag ang mga awtoridad sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at nagtulong-tulong silang itaboy papunta sa malalim na bahagi ng dagat ang mga dolphin.

"Pinipilit naming itaboy sila dalawang oras na. Dito lang paikot-ikot lang sila. Ayaw umalis," sabi ni Police Superintendent Eldie Bantal, hepe ng Marpsta.

Ayon sa BFAR, posibleng malagay sa panganib ang mga dolphin kung hindi sila naitaboy papunta sa laot dahil na rin sa mga basura sa Manila bay na maaari nilang makain.

"Lalo na dito sa Manila bay maraming basura dito so puwedeng dahilan 'yon na ma-ingest nila 'yung basura," sabi ni Len Conant, information officer ng BFAR.

Hinala din ni Conant, posibleng napagawi sa Manila bay ang mga dolphin dahil sa paghahanap ng makakain o may kasama sa grupo na sugatan o may masamang nararamdaman.

Matatandaan nong Pebrero 2009, nasa 300 dolphins ang napadpad sa Manila bay hanggang sa karagatan ng Bataan na kinailangan tulungan na makabalik sa malalim na bahagi ng dagat. -- FRJ, GMA News